Naka-feature

ASTER

Jackson Lee Walang kilala si Henry sa kanyang mga kasama, subalit bilang kilalang mga aktibista sa pamantasang pinapasukan niya, nanin...

LUMIPAS

Isinulat ni : Mariz Peñaflor

Sabado, 6:00 ng hapon.

Lumipas na pala ang maghapon. Gaya ng kinagawian, halos buong araw na tulog si ate dahil night shift ang kanyang trabaho bilang online teacher.  Si kuya naman ay may sarili na ring pinagkakaabalahan. Bilang isang engineer, madalas na lang s’yang nakaharap sa kanyang laptop upang intindihin ang kanyang mga proyekto sa kumpanya. Kami naman ni Jing-Jing ay may iba na rin mga interes kaya hindi na kami masyadong nag-uusap. Puro na lang kasi siya social media, at sa lahat ng pagkakataong nag-uusap kami ay puro palabas o di kaya’y buhay ng mga artista ang bukambibig n’ya. Naiintindihan ko naman s’ya kahit papaano sapagkat dumating din ako sa ganoong punto noong high school. Hindi pa kasi masyadng busy sa pag-aaral kaya’t marami pa akong oras magmarathon ng mga palabas. Ngayong nasa kolehiyo na ako, minabuti ko nang ilaan ang aking panahon sa pag-aaral. Hindi kasi ganoon kadali ang kursong nursing, pero kapag may bakanteng oras, nagbabasa naman ako ng mga nobela para hindi makulta ang aking utak sa kakareview. Si mama naman, kung hindi nagluluto, nananahi o naglalaba, siya ay nakikipagkwentuhan sa kapit bahay kaya’t hindi rin siya naiisip. Si Lolo… ano nga bang ginagawa ni lolo tuwing ganitong oras?

Nung mga bata pa kami at wala pang kanya-kanyang buhay, isinasama pa kami ni Lolo sa talyer na pinagtatarabahuhan niya pagkasundo niya sa amin galing eskwela. Doon marahil nakuha ng aking kuya ang interes sa mga makina. Tuwing Sabado naman, kaming magkakapatid ay dinadala niya s bukid para mag-jogging. Pagkagaling naman namin sa church service tuwing Linggo, ay ipinagluluto niya kami ng meryenda. Ang pinakapaborito ko noon ay turon at maruya. Yun nga lang, may limang taon na siguro nang huli ko iyong matikman. Nastroke kasi lolo at mula noon ay hindi na bumalik ang dati niyang lakas. Marahil ay dahil na rin sa kanyang edad. At marahil ay nagbago na nga kaming lahat mula noon. Wala na ang malalakas na halakhakan mula sa matitinis na tinig ng aming kabataan.

Maya-maya ay may narinig akong munting halakhak. Parang umalingawngaw ito sa gitna ng nakabibinging katahimikan dito sa bahay. Sumilip ako ng bahagya sa sala, at doon ay nakita ko si lolo na nakaupo sa kanyang wheel chair. Kakaiba na ang tunog ng kanyang halakhak. Mahina na ito at garalgal, gayun pa ma’y bakas pa rin ang di ko malilimutang musika ng kanyang masayang pagtawa. Kagaya ng dati.

Bigla tuloy akong napaisip. Nagbago rin kaya si Lolo? Ang tagal na kasi noong huli kong narinig ang tawa niyang ganoon kasigla . Para ba akong bumalik sa isang masayang alaala.

Ibinaba ko ang hawak kong aklat. Pagkatapos ay nagtungo ako sa kinauupuan ni Lolo upang malaman ang kanyang gingawa.

“Lolo, ano po ang ginagawa ninyo?” Tanong ko sa kanya.

“Wala ito apo, tinitingnan ko lang ang mga larawan ninyo,” masayang sagot ni Lolo.

“Ang lalaki n’yo na talaga, tingnan mo ito ang liit-liit pa dito ng kuya mo,” sabi niya sabay pagtawa, subalit sa gilid ng aking mata, napansin kong nagpunas siya ng kanyang luha. 


                                                                          

                           Read also in Miss Day Spring                 Canvas Facebook Page

ASTER

Jackson Lee



Walang kilala si Henry sa kanyang mga kasama, subalit bilang kilalang mga aktibista sa pamantasang pinapasukan niya, naniniwala siyang maganda ang ipaglalaban ng mga ito.

Kung susumaungin, hindi niya pa gaanong kilala ang mga kasama niya ngayon, ni hindi niya pa nga nakakausap ang mga ito ukol sa kanilang mga nakaraan o kahit sa kung anong gusto nila sa hinaharap. Paano kung totoo ang turang ng mga tao na mga satanista ang nasa building na 'yon? Paano kung mga NPA nga sila?

Maraming tanong sa kanyang isipan, subalit hindi sapat ang panahon para sagutin ang lahat ng ito.

Maliwanag ang araw kahit maraming ulap sa langit. Hindi ganoon kainit ngayong araw kahit malapit na ang tag-init. Hindi niya mabilang, subalit alam niyang marami sila sa isang esquinita patungo sa arko ng Morayta para sa gaganaping pagaaklas laban sa pagmamalupit ng gubyerno sa mga taong naghihirap sa bansa.

Tila isang senaryo sa isang pelikula ang namamataan ngayon ni Henry.

Kahit napakarami nila sa marikit na esquinita, nangingibabaw pa rin si Aster mula sa mga taong kasama nito. Ang maskara niyang gawa sa lupa na kasing laki ng isang bola ay bumabalot sa buo niyang mukha bukod sa baba at bibig. Kasing kulay ito ng balat niya kaya nagmumukha siyang isang taong may malaking ulo't walang buhok. Nakaatakot na pagmasdan. Sa katunayan hindi rin alam ni Henry kung bakit may suot na ganitong kabigat na maskara si Aster, marahil isa itong propaganda laban sa gubyerno, o isang paraan upang masmapalawig ang samahan nila. Kung ano man ang sagot doon, hindi niya gustong malaman pa.
Hindi malinaw kay Henry kung anong ipaglalaban subalit alam niyang kailangang sumigaw sa Morayta at magsumamo upang, at para, maitaas ang sahod ng mga manggagawang Pilipino. Ayon ang pagkakaintindi niya sa gaganaping pag aaklas, subalit ang mga sumunod na sinabi ni Aster kanina ay halos hindi niya namaisip.

Mula sa malayo ay naririnig na nila ang mga sigawan sa Morayta at sa bawat hakbang, mas lumalakas ito.

Masakit sa tainga na marinig ang mataas na frequency na binubuo ng mga malalakas na mikropono mula sa malayo.

Dahil sa takot, gustong bumalik ni Henry sa pamantasan, hindi siya ginawa para sa pagaaklas dahil isa siyang mahinang tao't halos walang nagiging ambag para sa lipaunan, wala siyang kayang ipaglaban, wala siyang kayang patunayan. O marahil mayroon, subalit ang sabi ng lipunan, at ng kanyang mga magulang, ay wala.

Takot na lumaban si Henry sa mga taong may kapangyarihan at nakakataas. Subalit, marahil, maaari siyang mabago ng isang tao.

Subalit, paano kung tama nga ang kanyang mga magulang na wala siyang kayang gawin para sa ikauunlad ng sarili o ng bayan? Paano kung tama nga sila na isang araw ay babagsak siya dahil sa kahinaang taglay? Paano kung tama sila na sa pagkakataong siya ay lumihis sa kagustuhan ng kanyang magulang ay wala na siyang patutunguhan?

Naghahanap sa langit ng sagot si Henry sa mga katanungang hindi magkamayaw sa kanyang isipan.
Dahil sa pagkatitig sa langit ay hindi na niya namalayang nakatigil na ang lahat, at hindi niya sadyang nabangga si Aster sa harapan na nakatalikod mula sa kanya.

Ang mapayat na katawan ni Henry ang dahilan ng kanyang pagbagsak sa lapag.

Nawala ang liwanag ng langit dahil sa isang malaking ulap, hindi mamataan ni Henry ang mga taong nakapaligid sa kanya, pawang mga paa lamang nito ang nakikita niya.

Madilim, at walang buhay sa ilalim.

Simula pa man noong bata siya'y kadiliman na ang naging kasangga niya sa mga labang ibinabato ng buhay. Wala siyang ibang kakampi bukod dito. Hindi na maituturing na bago ito pa sa kanya. Bukambibig ng kanyang ina na mahina siyang bata, walang kwenta sabi naman ng kanyang ama. Marahil ang pagiging mahina niya ay nagmula sa kanyang pamilya, mga taong akala niya'y malapit sa kanya.

Ayaw niyang itaas ang kanyang mukha dahil alam niyang mga dismayadong mata ang muling tititig sa kanya habang siya'y humihingi ng tawad.

"Bakit ganito ang grado mo?" Tanong ng kanyang ina sa kanya.

Malamlam ang paligid at malamig ang hanging pumapaligid kay Henry at sa kanyang ina sa sala sa ilalim ng malakas na ilaw. Bakas sa mukha ni Henry ang saya dahil sa unang pagkakataon ay nakakuha siya ng noventa y seis sa pinal na grado sa Filipino.
Gabi na subalit kagagaling pa lamang ni Henry mula sa paaralang pinapasukan niya. Ganito lagi ang uwi niya dahil sa mga extra curricular na sinalihan niya sa paaralan, sabi kasi ng guro niya, may karagdagan itong puntos sa pinal na grado't maganda ito para sa kanyang kinabukasan, lalaki siyang isang tao na hasang-hasa sa buhay.

Isang indibidwal na kayang harapin ang hirap, bakit nga ba siya hihindi? Kung hindi lang sana kasinungalingan ang mga narinig niya masaya sana siya ngayon.

"Bakit ka may line of eight?" Muling tanong ng kanyang ina, subalit sa pagkakataong ito, burado na ang ngiti sa kanyang mga mukha. Nakakalimutan niya na rin ang nirehearse niya sa Filipino Theatre Company sa paraalan nila. "At sa English pa talaga. Alam mo namang hindi maituturing na matalino ang batang bobo sa Ingles."

Mahal niya ang kanyang bansa at wika, at akala niya'y matutuwa ang kanyang ina sa kanyang nakuhang grado sa Filipino.

Masakit pala ang katotohanan.

Ayaw kontrahin ni Henry ang idolohiya ng kanyang ina. Masama bang hindi mag Ingles sa bansang may sarili namang wika? Tanong niya sa kanyang sarili.

"Ikaw si Henry mula sa Filipinolohiya, tama ba kaibigan?"

Isang mainit na kamay ang dumanpi sa pisngi ni Henry at dahandahang pinataas ang kanyang mukha ng taong humahawak sa kanyang pisngi. Malambot ang kamay nito. Malambot ang kamay ni Aster.
Nawala ang malaking ulap sa langit at muling lumabas ang tunay na liwanag ng haring araw. Isang mainit na silahis ng araw ang tumama sa kanyang mga mata. Hindi kita ang mukha ni Aster subalit bakas sa mga mata nito ang init ng apoy na kailangan ng isang bagong tubong aktibista.

"Tumayo ka, hindi nararapat na nasa ilalim ang isang indibidwal na kagaya mo."

Sa kanyang pag tayo, bagong init ang kanyang naramdaman. Wala na ang dilim na bumabalot sa kanya, tinanggal na ng isang bagong taong makakasama niya sa kanyang bagong buhay.

Isang esquinita na lamang at nasa Morayta na sila, malakas na ang dagungdong ng mga naglalakihang speaker ng mga aktibista. Nagsimulang magsalita si Aster sa gitna ng isang maliit na pagpupulong, malakas at puro.

"Ang lipunan ay hindi itinayo sa isang maliwanag na idolohiya, itinayo ito sa kasinungalingan. Lahat ng mga magagandang idolohiya at pangakong maliwanag, hindi ito ginawa para sa mga taong kagaya natin. Tinanggal nila ang ating dignidad, ang ating kalayaan, ang ating liwanag! Mga mamamaya ng lipunan, hindi na dapat tayo ginaganito. Mga kapatid, dumating na ang araw, ito na ang panahon upang lumaban. Alam niyo na kung sino ang susunugin natin."

Inilabas ng mga kasamahan ni Aster ang mga molotov sa kanilang bag at sinimulan itong sindihan. Habang si Aster naman ay inabutan si Henry ng isang panindi habang naglalagay ng mga kulay balat na pintura sa mukha ang kasamahan niya.

"Sindihan mo ang rebelyon."
Iling at hindi ang sagot ni Henry, hindi niya kayang maging isang kriminal.

Bakas sa mukha ni Aster ang dismaya, hindi pa nga yata kaya ng isang bagong usbong na aktibista na harapin ang katotohanang nais niyang sabihin sa lahat. Sinimulang patunugin ni Aster ang kanyang lighter. Tumalikod siya mula kay Henry at sumigaw ng isang salita. "Labanan ang lipunan!"

Sinindihan ni Aster ang kanyang molotov at ngumiti sa langit. Tumakbo patungo sa pinagmumulan ng malakas na tunog ng speaker ang mga tauhan ni Aster. Samatala'y naiwan naman sila ni Henry sa esquinita.

"Ako na ang babato niyan para sa'yo." Bigkas ni Henry kay Aster, tila may isang malakas na apoy sa mata nito.

Ngiti ang sagot ni Aster. Sa isip niya'y tumatakbo ang isang sagot sa kanina pang itinatanong ng kanyang isipan bago pa man pumunta sa Morayta.

Tila handa na na magsunog ng mga aktibista si Henry.



                                                      

Bukas


Ni Mariz Alliah K. Peñaflor


Tumingin ako sa aking relo.
Alas-onse na pala ng gabi. Kagaya ng dati halos nangangalahati pa lamang ang aking araw samantalang malapit nang sumapit ang umaga. Halos hindi ko na masalat ang likod ng aking computer sa sobrang init nito. Tapatan ko kaya ng electric fan?
Tama. Binuksan ko ang isa pang electric fan. Hindi ko naman kasi maaaring iharap sa computer yung electric fan na gamit ko dahil sobrang init sa kwarto ko.
Kung meron lang sana kaming air con. Ang kuripot kasi nina mama at papa, samantalang kayang-kaya naman nilang bumili ng air con kahit ilan pa.
Hay, kailan ba kasi matatapos tong thesis na to. Isang buwan ko na yata itong pinagkakapuyatan. Ilang bumbilya na din ang naipalit sa kwarto ko dahil laging nag-sho-short circuit. Hindi ko naman pwedeng patayin habang nagco-computer ako dahil masama naman sa kalusugan ang sobrang radiation. Ano ba kasing meron sa linya ng kuryente?
Aandap-andap na naman ang ilaw. Hay, mukhang alam ko na to. Sige na nga magpahinga ka muna, naibulong ko na lamang sa sarili ko.
Pinatay ko ang ilaw sa pangambang magshort circuit nanaman. Noong isang gabi lang kasi ay may nasunugan sa aming barangay. Ayaw ko namang mag-Pasko sa kalsada.
Hay, kailan ba kasi matatapos ang thesis na to. Kanina lang, napanood ko sa TV na magkakaroon ng isang oras na malawakang pagpatay ng ilaw sa buong mundo, sa ganap na alas-dies ng gabi,  para makatulong ng kahit kaunti sa kalikasan, pero heto pa rin ako bukas lahat ng may elektrisidad. Ilang porsiyento kaya ang tulad ko, na hindi nakikiisa? Sana hindi naman umabot sa limampung porsiyento, kung hindi, wala pa lang saysay ang adbokasiyang ito dahil hindi lahat ay handang sumuporta.
Ang hirap na kasi mabuhay sa panahong ito ng walang kuryente, pero hanggang kalian kaya tayo mabubuhay sa mundo kung hindi natin aayusin ang paggamit dito?
Nakakatakot rin palang isipin.




                                               

Sana Alam Mo


Ni Mariz Alliah Peñaflor

Ibinaba n’ya ang kanyang kamay
Sa lupang pagkarumi-rumi
Tapos, buong lakas na binuhat ang sarili
At umupo sa kanyang tabi.

Wala man lang panlulumo
Ni hindi siya yumuko
Habang ang iba ay abalang bumubulong
Kung awa o panghanga, hindi ko sigurado.

Pinagpag n’ya ang kanyang kamay
Tapos, inabot ang hawakan ng jeep.
 At sa bawat preno at pag-usad,
lalong humihigpit ang kanyang kapit.

Ano kaya ang nasa isip n’ya?
O mahalaga pa ba ang sasabihin ng iba?
Hindi naman nasusukat ng kanilang mga mata
ang iyong tunay na halaga.

Kasi may dahilan ang buhay  natin sa mundo
Isang bagay na hinahanap at hindi isinusuko
Sana nakita mo, at sana nasabi ko man lang sa’yo
Para malaman mong ikaw ay perpekto.

Huwag ka na ulit susuko.



Naiwala

Ni: Mariz Alliah K. Peñaflor

Naiwala ko nanaman
Ang aking panulat
Hindi na matapos-tapos
Ang aking istorya.

Ganoon na lamang ba talaga
Pag nawala ang panulat
Wala na ring gana?
Sayang ang nasimulan.

Anong panulat ba kasi ang kailangan
Upang hindi na malimutan kailan pa man?
Hindi yung pagdaka'y sisilay dili
Pag napagod lumipad titigil madali.

Sa kabilang pahina, bakat pa rin ang mga letra
Na narito ngayon, bukas ay wala na
Kung hindi susundan, lalapatan ng tinta
Maglalahong tuluyan sa aking gunita,

Sayang.


                                            

Iba


Ni: Mariz Alliah Peñaflor



Tiniklop kong muli ang maliit na papel saka akmang ibabalik sa garapon. Pero bago ko pa man ito maihulog ay nagsalita ang babae sa aking harapan.
“Ate, wag n’yo na po ibalik. Sa inyo na po iyan,” sabi niya nang nakangiti.
Nginitian ko siya nang bahagya saka nagsimulang lumakad palayo. “Aanhin ko naman ito?” Sabi ko sa isip ko. Pero syempre, dahil ayokong ma-offend siya, kinuha ko na rin. Ayoko namang itapon lang sa basurahan dahil parang ang sama naman n’on tingnan kaya’t iniipit ko na lang ito sa aklat na aking hawak.
Kung anu-ano nanaman ang pinagagawa ng mga propesor nila. Buti na lang at libre ito, kung hindi ay hindi na ako dadampot ng munting papel sa kanilang garapon. Sa aking pag-iisip ay hindi ko napansin ang malaking ugat na nakaharang sa daraanan ko. Paghakbang ko, tila ba isang teleserye ang naganap. Naramdaman ko ang pag-angat ng aking mga paa sa lupa kasabay ng paglipad ng aking aklat. Ang munting papel ay para bang isang eroplanong itinangay ng hangin patungo sa kalangitan. Tapos, humampas ang aking tuhod sa punong mapanlinlang. Huminto ang mundo ng mga taong naglalakad. Natulala. Sa gigld ng aking mga mata ay nakita ko ang kanilang mga mukha, para bang natatawa ngunit nag-aalala. Syempre, upang mabawasan ang aking pagkapahiya ay dahan-dahan akong tumayo, pinulot ang aking dala, at naglakad na parang walang nangyari.
“Bwiset.. nakakahiya” bulong ko sa aking sarili. Siguro’y mga tatlumpung minuto ko ding pinagninilay-nilayan ang masaklap na kaganapan kanina, nang aking maalala ang paglipad ng munting papel. Buti pa siya, sa gaan ay tinatangay ng hangin, hindi katulad ko na hinihila ng pwersa ng lupa. Tapos, kapag huminto ang ihip ng hangin ay dahan-dahan naman itong ibababa. Hindi nito mararamdaman ang sakit na aking natamo. Hanggang saan naman kaya ang narating nito? Umabot kaya ito sa kalsada? O mas malayo pa? Kung nakadarama kaya ang munting papel, ano kaya ang pakiramdam niya sa biglaang paglipad?
Napalinga ako sa paligid dahil sa tanong na ito na sumagi sa aking isip. Oo nga, ano kaya ang pakiramdam na maging isang puno? Siguro ay naiinis sila kapag may umiihi sa kanilang katawan. Siguro gusto nilang manggulpi minsan. Ano kaya ang pakiramdam na maging isang langgam? Yung tipong kumaripas ka na ng takbo ay nahuli ka pa rin ng mga daliring kung hindi ka pipisain ay ikaw nama’y pipitikin palayo. Gaanong takot kaya ang nararamdaman nila? Ano kaya ang iniisip ng mga buwaya sa dagat kaya’t nangangagat sila ng mandaragat? Takot kaya sila o kaya’y gutom?
                Napakaraming misteryo ng buhay, "bakit ako ay tao at siya naman ay manok?" Mahirap maintindihan, pero paniguradong may magandang dahilan. Ang hirap mangatwiraan lalo pa’t wala namang paliwanag ang nakapagbibigay ng totoong paglilinaw. Nakakatawang isipin na may talinong nakabuo ng ganitong klase ng pagtatagpo, hindi ba?
                “Siguro nama’y nakahahanap rin sila ng paraan upang maging masaya,” bulong ko. Kung paano, hindi ko matitiyak, pero kung hindi naman natin ipagpapalagay ang ganito, nakakalungkot ang kanilang kapalaran sa mundong ito. Hay! Bakit ba ako masyadong nag-iisip? Nadadagdagan lang ang sakit ng aking ulo. Ganun pa man, para sa akin ay may kabuluhan ang mga tanong na ito, sapagkat naniniwala ako na ang bawat-isa ay may espesyal na disenyo.


                                                         
                   

Kumatok at Manawaran

Ni: Jackson Lee.



Maaga pa sa araw si Jared ng pumasok papuntang Talon Elementary School, maulan ngayon at makulimlim kaya hindi pa rin umuusbong ang araw kahit alas sais imedya na. Tanghali na ako, sa isip-isip ni Jared.

Nagbigayan ng libro kahapon, mukhang mas mapapatagal pa yata ang pag pasok ni Jared papuntang school. Wala pa siyang pamasahe kaya hindi rin siya makakasakay ng tricycle, sakto lang ang pera niya para sa pagkain.

Pagdating niya ng school, basa ang bag niya't halos mabasa rin ang libro sa loob. Inis na inis si Jared sa sarili, hindi dahil masisira ang libro, kundi dahil late siya't halos kainin siya ng tingin ni Ma'am Kayube.

Terror si Ma'am Kayube, guro ng mga grade four, nanakit daw ng estudyante 'pag hindi makuha sa tingin, kaya naman sobrang yuko si Jared ng mapansing lumapit na si Ma'am sa kanya.

Tinawag siya ni Ma'am Kayube't tinanong ng guro kung anong ginawa kahapon bago umuwi, sabi naman ni Jared na sa computer shop. Makikita ang inis ni Ma'am Kayube sa mga kilay nitong sobrang inahit. Nalimutan kong coveran ng manila paper ang libro ko. Yari na talaga. Buong araw siguro akong titigan ng masama ni Ma'am.

Buong maghapon ang dumaan at naging okay naman na ang kalagayan ni Jared dahil kausap niya ang kaibigang si Hector. Halos buong araw nilang pinaguusapan ang bagong laro sa computer.

Si Ma'am kayube naman ay may kausap na guro, nagpapainit sa apoy sa labas ng room nila. Mainit din ang tingin sa kanya ni Ma'am Kayube. Marahil pinag uusapan kung bakit lagi akong late.

Kinahapunan bago mag uwian, sinabihan ako ni Ma'am Kayube na kailangan naming mag usap. Bakit daw lagi kong kausap si Hector, masamang bata daw si Hector, 'wag kong lalapitan. Ilang minuto ako ni Ma'am kausap na sa tabi kami ng apoy, nakayuko lang ako't umo-oo sa kanyang mga sinasabi. Hindi nakapag tiis si Ma'am at pinaka kuha sa akin ang mga gamit ko.

Pagbalik ko sa room, nakita kong nakatayo si Ma'am malapit sa Apoy, mas malakas ito kaysa kanina, gabi na pala. Halos anino lang ni Ma'am ang naaninag ko. Nag simula siyang mag salita ng marinig ang pag bukas ng pinto. Keyso marami na daw ang namatay sa tokhang, keyso isa daw ang tatay ni Hector sa mga tulak, maraming napatay ang gubyerno, at magdadagdagan pa daw ito kung hindi ko lalayuan si Hector.

Kinuha ni Ma'am ang libro ko, nagmamaka awa naman akong pag bigyan pa ako ng pagkakataon, siguradong bukas may cover na ang libro ko. Ang kaso, nakatitig si Ma'am sa akin na parang gusto niya akong ibato sa apoy. Hindi 'yon ang problema, sabi ni Ma'am, baka daw tulak din ako kagaya ni Hector. Nagulat ako sa paratang ni Ma'am, hindi ako makapaniwala sa pag akusa niya sa akin, hindi ako makahanap ng dahilan para mag benta ng droga.

Nagmamaka awa ako sa kanya, hindi ako tulak at lalong hindi ako magiging tulak. Patuloy ang pagmamakaawa ko. Umiiyak na sana'y hindi niya ako parusahan kagaya ng mga ginawa niya sa estudyante niyang grade four. Lumuhod ako. Nagmaka awa. Subalit walang salita sa mga labi ni Ma'am, puno lang ng galit ang kanyang mga mata.

Sinunog niya ang mga libro ko, dahil baka daw doon ko tinatago ang mga kontrabando. Pumasok siya ng room at nagsimulang mag impake para sa kanyang pag-uwi. Bago umalis si Ma'am Kayube ay nagkasalubong kami ng mga mata. Umiiyak ang akin at malamlam.

Sa isip-isip ko, si Hector, mag-kano kaya ang maibebenta niya ngayon?