Naka-feature

ASTER

Jackson Lee Walang kilala si Henry sa kanyang mga kasama, subalit bilang kilalang mga aktibista sa pamantasang pinapasukan niya, nanin...

Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Social. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Social. Ipakita ang lahat ng mga post

PAULIT-ULIT

 Isinulat ni : Nashvie Magracia


Pinagmasdan kong tumayo ang maliit na aso sa gitna ng kalsada.

Bagaman basa ang inuupuan, ginalaw niya pa rin ang buntot nang paulit-ulit. Paulit-ulit.

Bagaman bumuhos ang masaganang ulan, minasdan ko ang likod niyang puno ng putik.

At naisip ko kung gaano ito kalungkot tignan.

Hindi ba siya nalalamigan? Hindi ba siya nahihirapan?

Hindi ba siya hinahanap sa kanyang tahanan? Hindi ba siya hinahanap ng kanyang magulang?

Bagaman nag-iisa, itinaas niya at ginalaw ang buntot nang paulit-ulit. Paulit-ulit.

Bagaman bumuhos ang masaganang ulan, minasdan ko ang likod niyang puno ng putik.

At naisip kong wala siyang kapaguran.

Hindi pa ba siya natakot? Hindi pa ba niya gustong sumuko?

Hindi pa ba siya nasindak ng mga kapwa-aso? Hindi pa ba siya nangamba sa mga tao?

Bagaman malungkot, pinilit niyang lakasan ang pagtahol nang paulit-ulit. Paulit-ulit.

Bagaman bumuhos ang masaganang ulan, minasdan ko ang likod niyang puno ng putik.

At naisip kong walang nakaririnig.

Hindi pa ba siya paos? Hindi pa ba siya pagod?

Hindi niya ba naisip na walang makaiintindi? Hindi niya ba naisip na walang may paki?

Pinagmasdan kong tumayo ang maliit na aso sa gitna ng kalsada.

Lumapit ako at tinignan ang kaawa-awa nitong mukha.

Kuminang at sinalamin ng kanyang mata ang akin.

Humalakhak ako nang paulit-ulit. Saka tinadyakan ito nang paulit-ulit. Paulit-ulit.

Hinayaang nakabulagta sa sariling dugo at putik.

Hindi ako nakonsensya bagkus, nagbigkas pa ng munting hiling,

"Sana ito rin ang mangyari sa akin."


                                                                

                                                                Canvas Facebook Page

LUMIPAS

Isinulat ni : Mariz Peñaflor

Sabado, 6:00 ng hapon.

Lumipas na pala ang maghapon. Gaya ng kinagawian, halos buong araw na tulog si ate dahil night shift ang kanyang trabaho bilang online teacher.  Si kuya naman ay may sarili na ring pinagkakaabalahan. Bilang isang engineer, madalas na lang s’yang nakaharap sa kanyang laptop upang intindihin ang kanyang mga proyekto sa kumpanya. Kami naman ni Jing-Jing ay may iba na rin mga interes kaya hindi na kami masyadong nag-uusap. Puro na lang kasi siya social media, at sa lahat ng pagkakataong nag-uusap kami ay puro palabas o di kaya’y buhay ng mga artista ang bukambibig n’ya. Naiintindihan ko naman s’ya kahit papaano sapagkat dumating din ako sa ganoong punto noong high school. Hindi pa kasi masyadng busy sa pag-aaral kaya’t marami pa akong oras magmarathon ng mga palabas. Ngayong nasa kolehiyo na ako, minabuti ko nang ilaan ang aking panahon sa pag-aaral. Hindi kasi ganoon kadali ang kursong nursing, pero kapag may bakanteng oras, nagbabasa naman ako ng mga nobela para hindi makulta ang aking utak sa kakareview. Si mama naman, kung hindi nagluluto, nananahi o naglalaba, siya ay nakikipagkwentuhan sa kapit bahay kaya’t hindi rin siya naiisip. Si Lolo… ano nga bang ginagawa ni lolo tuwing ganitong oras?

Nung mga bata pa kami at wala pang kanya-kanyang buhay, isinasama pa kami ni Lolo sa talyer na pinagtatarabahuhan niya pagkasundo niya sa amin galing eskwela. Doon marahil nakuha ng aking kuya ang interes sa mga makina. Tuwing Sabado naman, kaming magkakapatid ay dinadala niya s bukid para mag-jogging. Pagkagaling naman namin sa church service tuwing Linggo, ay ipinagluluto niya kami ng meryenda. Ang pinakapaborito ko noon ay turon at maruya. Yun nga lang, may limang taon na siguro nang huli ko iyong matikman. Nastroke kasi lolo at mula noon ay hindi na bumalik ang dati niyang lakas. Marahil ay dahil na rin sa kanyang edad. At marahil ay nagbago na nga kaming lahat mula noon. Wala na ang malalakas na halakhakan mula sa matitinis na tinig ng aming kabataan.

Maya-maya ay may narinig akong munting halakhak. Parang umalingawngaw ito sa gitna ng nakabibinging katahimikan dito sa bahay. Sumilip ako ng bahagya sa sala, at doon ay nakita ko si lolo na nakaupo sa kanyang wheel chair. Kakaiba na ang tunog ng kanyang halakhak. Mahina na ito at garalgal, gayun pa ma’y bakas pa rin ang di ko malilimutang musika ng kanyang masayang pagtawa. Kagaya ng dati.

Bigla tuloy akong napaisip. Nagbago rin kaya si Lolo? Ang tagal na kasi noong huli kong narinig ang tawa niyang ganoon kasigla . Para ba akong bumalik sa isang masayang alaala.

Ibinaba ko ang hawak kong aklat. Pagkatapos ay nagtungo ako sa kinauupuan ni Lolo upang malaman ang kanyang gingawa.

“Lolo, ano po ang ginagawa ninyo?” Tanong ko sa kanya.

“Wala ito apo, tinitingnan ko lang ang mga larawan ninyo,” masayang sagot ni Lolo.

“Ang lalaki n’yo na talaga, tingnan mo ito ang liit-liit pa dito ng kuya mo,” sabi niya sabay pagtawa, subalit sa gilid ng aking mata, napansin kong nagpunas siya ng kanyang luha. 


                                                                          

                           Read also in Miss Day Spring                 Canvas Facebook Page

James

Ni Mariz Alliah Peñaflor


Kling!!

Kling!!

Nagulat ako nang tumunog ang aking phone.

"Nasaan ka?" Si James.

"Nasaan ka?" Si mama

Bahagya akong napangiti.

"Sa bench, sa tapat ng ng food court," sagot ko kay James.

"Sa school po, medyo male-late po ako ng uwi, may tinatapos lang po kami, " sagot ko kay mama.

Madali lang naman pumindot ng mga letra.

"Okay, mag-iingat ka, I love you," sagot ni mama.

Bigla akong natigilan. Napa-isip ulit ako. Wag na kaya ako tumuloy?

"I love you too ma, sige po uuwi na po a----," naputol ang aking pagta-type nang may tumapik sa aking likuran.

"Uy, bising-busy ka ah," sabi ni James nang nakangiti.

" Hi, ikaw pala. Ginulat mo naman ako," kabadong sagot ko.

"Ano tara na?"

"Ha? Sa'n tayo pupunta?"

"Basta."

Nilagay ko ang aking cellphone sa aking bulsa. "Okay"

Tapos lumakad na kami palabas ng mall.

" Ano nga ulit ang pangalan mo?"

"Shayne."


Hawak

Ni Mariz Alliah Peñaflor


Nagliwanag ang aking hawak
Napangiti ako
Kung pwede ako bukas?
Syempre, sagot ko
Sa kabila ng takot.

Ang dilim naman
Ang malamig na haplos ng hangin
Ay mabilis na nagtutuyo ng aking luha
Nagliwanag muli ang aking hawak
buti na lang, napangiti ako.

Di raw ako nag-iisa
Sabi ni papa
Basta hawak ko ito
Gamitin ko daw
Para hindi ako mainip.

May laman din ang ref
Sabi ni mama
Wala raw akong aalalahanin
Kahit wala sila
Sa sobrang pagkaabala.

Nagliwanag ang aking hawak
Napangiti ako
Lumiwanag kasi ang paligid
Ng aking silid
Buti na lang, kasi nakakainip, pag nag-iisa.