Ni: Mariz Alliah Peñaflor
Tiniklop kong
muli ang maliit na papel saka akmang ibabalik sa garapon. Pero bago ko pa man
ito maihulog ay nagsalita ang babae sa aking harapan.
“Ate, wag n’yo na
po ibalik. Sa inyo na po iyan,” sabi niya nang nakangiti.
Nginitian ko
siya nang bahagya saka nagsimulang lumakad palayo. “Aanhin ko naman ito?” Sabi ko
sa isip ko. Pero syempre, dahil ayokong ma-offend siya, kinuha ko na rin. Ayoko
namang itapon lang sa basurahan dahil parang ang sama naman n’on tingnan kaya’t
iniipit ko na lang ito sa aklat na aking hawak.
Kung anu-ano
nanaman ang pinagagawa ng mga propesor nila. Buti na lang at libre ito, kung
hindi ay hindi na ako dadampot ng munting papel sa kanilang garapon. Sa aking
pag-iisip ay hindi ko napansin ang malaking ugat na nakaharang sa daraanan ko.
Paghakbang ko, tila ba isang teleserye ang naganap. Naramdaman ko ang pag-angat
ng aking mga paa sa lupa kasabay ng paglipad ng aking aklat. Ang munting papel
ay para bang isang eroplanong itinangay ng hangin patungo sa kalangitan. Tapos,
humampas ang aking tuhod sa punong mapanlinlang. Huminto ang mundo ng mga taong
naglalakad. Natulala. Sa gigld ng aking mga mata ay nakita ko ang kanilang mga
mukha, para bang natatawa ngunit nag-aalala. Syempre, upang mabawasan ang aking
pagkapahiya ay dahan-dahan akong tumayo, pinulot ang aking dala, at naglakad na
parang walang nangyari.
“Bwiset..
nakakahiya” bulong ko sa aking sarili. Siguro’y mga tatlumpung minuto ko ding
pinagninilay-nilayan ang masaklap na kaganapan kanina, nang aking maalala ang
paglipad ng munting papel. Buti pa siya, sa gaan ay tinatangay ng hangin, hindi
katulad ko na hinihila ng pwersa ng lupa. Tapos, kapag huminto ang ihip ng
hangin ay dahan-dahan naman itong ibababa. Hindi nito mararamdaman ang sakit na
aking natamo. Hanggang saan naman kaya ang narating nito? Umabot kaya ito sa
kalsada? O mas malayo pa? Kung nakadarama kaya ang munting papel, ano kaya ang pakiramdam
niya sa biglaang paglipad?
Napalinga ako
sa paligid dahil sa tanong na ito na sumagi sa aking isip. Oo nga, ano kaya ang
pakiramdam na maging isang puno? Siguro ay naiinis sila kapag may umiihi sa
kanilang katawan. Siguro gusto nilang manggulpi minsan. Ano kaya ang pakiramdam
na maging isang langgam? Yung tipong kumaripas ka na ng takbo ay nahuli ka pa
rin ng mga daliring kung hindi ka pipisain ay ikaw nama’y pipitikin palayo.
Gaanong takot kaya ang nararamdaman nila? Ano kaya ang iniisip ng mga buwaya sa
dagat kaya’t nangangagat sila ng mandaragat? Takot kaya sila o kaya’y gutom?
Napakaraming
misteryo ng buhay, "bakit ako ay tao at siya naman ay manok?" Mahirap
maintindihan, pero paniguradong may magandang dahilan. Ang hirap mangatwiraan
lalo pa’t wala namang paliwanag ang nakapagbibigay ng totoong paglilinaw. Nakakatawang
isipin na may talinong nakabuo ng ganitong klase ng pagtatagpo, hindi ba?
“Siguro
nama’y nakahahanap rin sila ng paraan upang maging masaya,” bulong ko. Kung
paano, hindi ko matitiyak, pero kung hindi naman natin ipagpapalagay ang ganito,
nakakalungkot ang kanilang kapalaran sa mundong ito. Hay! Bakit ba ako
masyadong nag-iisip? Nadadagdagan lang ang sakit ng aking ulo. Ganun pa man,
para sa akin ay may kabuluhan ang mga tanong na ito, sapagkat naniniwala ako na
ang bawat-isa ay may espesyal na disenyo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento