Naka-feature

ASTER

Jackson Lee Walang kilala si Henry sa kanyang mga kasama, subalit bilang kilalang mga aktibista sa pamantasang pinapasukan niya, nanin...

Hope

By Mariz Alliah Peñaflor


When there was all rain

And no sunshine

Tears kept falling

From thousands of sleepless nights

 

And sleepless nights

Just seems unending

The rain blurs

The hope for a sunshine ahead

 

Do we still remember the reason

Of life and love

When there was all rain

And just unending pain?

 

I do

I hope you too.

Love


By Mariz Peñaflor


 I can write a million letters

And sing a million songs

But without this,

It’s nothing.

 

I can say a million words

Or give a million kisses away

But without this,

It will not mean a single thing.

 

I can utter a million prayers

And change a million things

But without this,

It will be exhausting.

 

In the end,

It is still love that gives meaning

 To everything.


 Read also in Miss Day Spring


Sa Hangin

 Ni Mariz Peñaflor


Iguguhit kong muli ang iyong mukha sa langit

Gaya noong nagdaang gabi.

Nabubura na kasi ito 

sa patuloy na pag-ihip ng hangin.


Iguguhit ko nang paulit-ulit

Ang iyong alaala

Pangako,

Hindi ito mabubura kailanman.


Lilipas ang mahabang panahon

Mananatili akong nakatingin sa langit, at sa'yo

Pag narating ko ang dulo ng kalsadang ito, 

Alam kong magkikita rin tayo


Sa hangin.


BINTANA

 Isinulat ni HannaDulSet


 Tuwing gabi bago ako matulog ay ugali kong sumilip sa bintana, tignan ang mga bituin at langhapin ang simoy ng hangin sa gabi. Mataman kong tinitignan ang mga bituin sa langit at ang maliwanag na buwan na siyang tanging nagbibigay liwanag sa madilim na paligid. Bumuntong hininga ako at natanong ang sarili: “Paano kung hindi nagkaroon ng pandemya?”.

 Una kong naisip ang mga bagay na nagawa ko pa sana kasama ang mga kaibigan ko, mga palabas na nagawa at mga bagay na nagpapanatili sa akin na maging buhay. Dumampi sa aking pisngi ang malamig na hangin. Napapikit ako at naalala ang mga araw na umuuwi ako ng dis-oras ng gabi dahil sa mga training at mga rehearsals; Mga tawanan sa bakery habang kumakain ng masarap na tinapay. Kwentuhan sa jeep kahit hindi na kami magkaintindihan dahil sa sobrang lakas ng tugtog.

 Lagi  kong naiisip ang mga bagay na ito sa pagsilip ko sa bintana na kung minsan ay may dala pa akong tinapay at kape. Naiisip ko din ang marami kong “sana” na ibig kong magawa, mga bagay na natakot at nag-alinlangan akong gawin bago ang pandemyang ito. Pero ngayon ko lang naisip, bakit ba kailangan kong matakot sa mga bagay na maaari akong gawing matapang at matatag? Kung sabagay, kasalanan ko din naman kasi nakuntento ako sa kung ano lang ang kaya ko. Okay na ‘to, okay na ako dito. Hindi ko hinayaan ang sarili ko na umangat, huminto ako sa gitna at hindi na ginustong umangat. Pero ngayon ay bumabawi ako, para kapag oras na ay handa na ako muli.

 “Okay ka lang ba” natanong ko sa aking sarili nang minsang mapansin ko na natulala ako sa harap ng bintana, payapa ang asul na langit naghahanda para sa papalubog na araw. Iba pala talaga ang pakiramdam kapag ikaw lang ang nakakaintindi sa sarili mo ‘no? Para kang nababaliw sa paningin nila. At sa araw-araw na pagdungaw ko sa bintana ay may mga araw na dinadalaw ako ng lungkot, mga araw na parang sobrang bagal ng oras na hindi naman maiiwasan dahil lahat tayo ay nakakulong sa bahay at walang magawa at dahil dito ay maiisip mo na lang ang mga bagay na matagal mo nang gustong ibaon sa limot. Mga bagay na ayaw mo na lamang isipin upang hindi malaman na marami ka pa lang pagkukulang bilang anak, kaibigan, estudyante, ka-miyembro at huli, sa sarili mo. Ngunit paano ko ba pupunan ang mga pagkukulang na iyon? Kulang ba o talagang para sa kanila ay hindi ako sapat. Ewan, hindi ko masabi.

 Natatakot din ako na baka kapag tumagal pa ito ay madaig na ako ng lungkot. Tanging ang bintanang ito lang ang nakakaalam ng mga bagay na hindi ko maikwento sa mga tao sa bahay na ito. Pero salamat at binabasa mo ito. Bintana malapit sa maliit kong espasyo at tulugan, Parang tengang handang magbukas at makinig. Nakakatawang isipin ‘no? Bintana kinakausap ko. Baliw na ata ako.

 Gusto ko na ulit lumabas, makita at makasama ang mga kaibigan, gawin ang mga bagay na nakasanayan. Yun bang parang hindi ko na kailangang matakot sa banta ng sakit, tulad ng mga ibong nakikita ko sa labas ng bintana na malayang lumilipad. Maging malaya? Kailan ba? Mayroon din namang magandang naidulot sa akin ang ganitong sitwasyon ko: Nakakapag-isip ako at nakapagpahinga sa nakakapagod na mundo. Hindi sapat ang mga salitang nakasulat dito, ang mga kwento sa bintana sa kung gaano ako nananabik sa paglabas kong muli. Pero maghihintay ako, maghihintay ng may pananabik.


                                                                   Canvas Facebook Page

AGILA

 Isinulat ni : Mariz Peñaflor


“I hate eagles,” sabi ko sa isip ko habang sinusundan ng tingin ang bagong kalendaryong isinabit ni mommy sa aming pader. Ano bang meron sa ibon na yan? Taon-taon na lang, kapag papalitan ni mommy ang kalendaryo sa ding-ding, parehong disenyo lang ang pinipili nya, yung may malaking agila na nakakampay ang mga pakpak. Mayroon ding napakalaking painting nito sa aming sala. Siguro, kung hindi siya minimalist, pupunuin niya ang buong bahay ng pigura nito. Minsan, nao-offend talaga ako dahil mas malaki pa ang kwadro nito kaysa sa mga litrato ko.

“Mommy, eagle nanaman? Ayaw nyo po ba ng ibang ibon like maya, dove or chicken? You know, para maiba naman po,” nasambit ko dahil hindi ko na mapigilan ang pagkaumay ko rito.

“Bakit? Ayos naman ah, maganda nga eh,” sagot niya kasabay ng isang maluwang na ngiti.

“Sige na nga,” sagot ko na lang. Pagpunta niya sa kusina para ipasok ang iba pa niyang ipinamili, sinamantala ko na ang pagkakataon para umalis. Sumigaw na lang ako ng malakas na “bye mommy” para hindi na niya ako bilinan pa. Masyado kasi siyang malambing at ayaw ko ng ganoon.  Masyado nang “corny” para sa edad ko. Pag aalis kasi ako, kung anu-ano pa ang ibinibilin niya na tumatagal ng limang minuto. Sayang lang ang laway niya, dahil hindi naman ako nakikinig. Madalas, umaalis ako habang nakatalikod siya para mayroon akong dahilan upang hindi niya ako maabutan. Kagaya ngayon.

Mga sampung mabibilis na hakbang pa lang ang layo ko sa amin ay narinig ko na ang sigaw ni mommy sa likuran.

“Jane, anak, saglit lang!” Sigaw niya sabay takbo palapit. Napangiwi ako sa aking narinig. Ano ba yan, dapat pala tumakbo na ako kanina.

“Mommy, bakit pa po kayo sumunod? Ang layo ko na po ah”

“Ano ka ba anak, syempre gusto kitang makitang umaalis,” malambing na sagot niya.

“Ang drama mo talaga mommy, sige na po, malelate na po ko,” sagot ko.

“O siya sige mag-iingat ka ha, wag ka magpapagabi sa daan. Tawagan mo ako pag may problema. God bless,” Tuluy-tuloy niyang litanya habang unti-unti na akong humahakbang paalis.

Ewan ko ba, hindi ko talaga gusto ang ganitong eksena. Siguro dahil dalaga na ‘ko. Pakiramadam ko bata pa rin ang tingin ni mommy sakin. O hindi? Sa totoo lang hindi ko siya maintindihan. Malambing siya sa akin pero hanggang doon lang yon. Sa mga importanteng bagay kasi, kung kaylan kaylangan ko ng kasama, hinahayaan niya lamang ako. Napaka-ironic nun dahil grabe naman ang kanyang paghahabilin bago ako lumabas ng pinto. Gaya nung nag-apply ako para sa OJT, at noong nag-entrance exam ako para sa kolehiyo, binilinan niya lang ako ng kung anu-ano pero hindi naman niya ako sinamahan. Paano kung naligaw ako di ba? Ang layo kaya ng Maynila dito sa Laguna, at unang beses ko iyong mapapalayo. Noon pa siya ganoon, nakasanayan ko na lang din sa paglipas ng panahon.

***

Pagsakay ko sa bus, agad kong binuksan ang aking cell phone. Syempre, message ni mommy ang bumungad sa wall. Mga bilin at marami pang mga bilin. Minsan ayoko na ngang basahin dahil paulit-ulit lang naman ang nilalaman nila. Pero nami-miss ko rin naman ang mga ganitong pag-aalala ni mommy kapag nasa dormitoryo ako.

***

Si mommy, siya yung tipikal na working mom. Siguro yun din ang dahilan kung bakit wala siyang gaanong oras sa akin. Matagal na kasing patay ang daddy ko at ang nag-iisa ko namang kapatid ay may pamilya na sa States. Kung tatawag man si kuya ay bihira lang dahil sa dami ng trabaho niya sa kanilang opisina.

***

Iidlip na sana ako nang tumunog ang aking cell phone. Si Gina, ang kaklase ko. Mukhang alam ko na ang sasabihin niya. Panigurado padadaanin nanaman niya ako sa tindahan ng piyaya.

“O Gee? Bakit? Papabili ka ng piyaya no?” Natatawa kong tanong.

“Sira, pag tumawag may kaylangan agad?” Sagot niya na may kasunod na malakas na tawa.

“Hindi ba? Parang hindi ako naniniwala,” bulalas ko habang tumatawa.

“Oo nga, paalalahanan lang sana kita kung nadala mo yung hinihiram kong libro?”

Na sa kamalasamalasan ay nakalimutan ko lang naman sa pagmamadali kanina.

“Don’t tell me nalimutan mo?” Pag-uusisa ni Gina na pakiramdam ko ay may kutob na rin na hindi ko dala.

“Sorry talaga Gee, nagmadali kasi ako kanina eh… alam mo naman anong oras na, eh ala-una dapat nandyan na ako sa school.”

“Sus, kala mo naman hindi malelate si ma’am, eh di ba nga Filipino time?”

“Kahit na ‘no ayoko nang nale-late”

“O Farmers na, Farmers! Araneta! Ali Mall!” Nanlaki ang aking mata at tumingin sa labas. Nasa Cubao na pala kami. Ni hindi ko man lang namalayan ang haba ng byahe.

“O siya sige na, bababa na ko ng bus, mamaya na lang,” sabi ko kay Gina habang inaayos ang aking mga dalang bag.

“Sige girl, ingat.” Si Gina na ang nagbaba ng telepono. Buti na lang dahil hindi na talaga ako magkandamayaw sa dami ng aking mga gamit. Ang hirap din magdormitoryo, lingo-linggo kang puyat at pagod sa byahe at dami ng mga dala. Ayaw ko din namang manatili sa dormitoyo tuwing Sabado at Linggo dahil mas masarap ang pagkain sa bahay at mas komportable ang aking kama.

***

Ang kagandahan lang kay mommy, hindi siya masyadong nag-aalala sa amin. Pinapayagan niya kami ni kuya na lumayo at magpunta kung saan-saan. Pero maganda ba talaga yun? Di ba parang mas maraming bata ang napapahamak kapag masyadong hinayaang lumayo? Pakiramdam ko nga, kung ibang kabataan lang ako, baka inabuso ko na ang kalayaang binibigay niya, tutal sinanay naman niya akong huwag palaging umasa sa kanya.

Sa totoo lang, malapit ako sa mommy ko. Sadyang ayoko ko lang talaga na tinuturing pa rin akong bata na laging kinukumusta at pinapaalalahanan. Kaya ko naman na ang sarili ko. Si kuya nga, sa ganitong edad na 19 ay pinabayaan na niya na tanggapin ang scholarship sa America at mamuhay ng mag-isa. Saka, hindi naman ako pasaway, ni hindi nga ako gumigimik eh. Alam naman niya yun dahil hindi ko ugaling makibagay sa mga ginagawa ng iba. Ganun naman kasi kaming pinalaki nina mommy at daddy. Sabi ni Gina, nakakabagot raw ang buhay ko dahil eswelahan- bahay lang madalas, ang sagot ko lang sa kanya, “subukan mo kaya, malalaman mo na mas masaya.” Syempre hindi siya kumbinsido pero ayos lang.

Itinuturing ko ang sarili kong masuwerte kasi mababait ang mga magulang ko, kaya nagi-guilty rin ako na hindi ko na nilalambing si mommy gaya ng dati. Siguro dala na rin ng hiya ng pagdadalaga. Pero isa lang ang sigurado, hindi naman nagbago ang pagmamahal ko sa kanya.

***

“Ma’am? Pinatawag nyo daw po ako?”

“Ah, oo pasok ka. Binabasa ko kasi itong gawa mong non-fiction, and something just caught my interest,” sagot ng propesor ko habang nakangiti.

Ang totoo niyan, kinakabahan talaga ako dahil sa bus ko lang iyon isinulat kanina. Pero dahil napukaw ko ang interes ng aking guro, malamang papasa ako sa takdang-araling ito.

“Do you know how mightily eagles fly?” Nakangiting tanong sa akin ng aking propesor.

“Po? Ah… hindi po ma’am,” yun na lang ang sinabi ko kaysa manghula. Ba’t ko ba kasi sinimulan sa linyang iyon, tinanong tuloy ako ni ma’am. Yun pala yung something interesting na sinasabi niya eh. Patay!

“Kapag maliit pa ang agila at hindi pa marunong lumipad…” pagpapatuloy niya, “ililipad siya ng kanyang nanay pataas, saka hahayaang malaglag… ”

Nagulat ako sa sinabi ni maám. Anong klaseng magulang ang itutulak ang anak sa kapahamakan?

“She will let her young fall, so that it will learn to strive to move his wings and fly…”

Pinaagmasadan ko siyang mabuti upang hintayin ang susunod niyang sasabihin

“.. and then catch him afterwards. Sa ganitong paraan ay malalaman ng munting agila ang pakiramdam ng unang paglipad. Dahil dito, hindi na siya matatakot na ikampay ang kanyang maliliit na pakpak at tumalon patungo sa pinakamalalapit na puno, hanggang sa matuto siyang lumipad at maging matapang sa pagsuong sa malalakas na bagyo. Ganun katatag ang agila, pumapaibabaw siya sa mga ulap gamit ang kanyang malalaking pakpak.

Nang marinig ko iyon, bigla kong naisip si mommy

“Your mom loves you very much.” Sabi niya sabay abot ng aking papel.

Kaya pala, naiintindihan ko na.


                           Read also in Miss Day Spring               Canvas Facebook Page

NGAYON ANG PANAHON

 Isinukat ni : Mayks


Naghihilom ang kalikasan

Habang nagdurusa ang karamihan

Nagkalat na ang mga busaw sa lansangan

Habang prente ang naghahari-harian

Marahil ganti ito ng kalikasan

Sa kasakiman ng sangkatauhan,

Mali, ganti ito ng kalikasan sa naransan niyang pananamantala ng iilan

Ngunit lahat ay dumadaing

Dahil walang pinipiling gantihan ang kalikasan

Walang sini-sino ang pandemikong ito

Nararapat na wala 'ring nagaganap na pagpili

Sa kung sino lang ang makakatamasa

Ng ayuda at serbisiyong medikal

Huwag pagkaitaan ang masa

Pagkat sino ba ang tinakbuhan natin

Noong nagkulang tayo sa makakain?

Sino ba ang kinailangan natin

Noong tayo'y "nagpanic buying"

Sino ba ang pinasasalamatan natin sa kalinisan ng paligid?

Higit sa lahat sino ba ang inaasahan nating magsusuri at magsasapraktika ng solusyong medikal na lubos nating kailangan?

Mas pipiliin ba nating pumanig sa naghahari-harian

At makakampante na lamang ba tayo habang patuloy ang pagpapahirap sa manggagawa

Mananatili ka na lang 'bang naka-imik, habang nababalitaan ang tahasang pagpaslang sa mamamayan?

Ngayon ang panahon ng pagpapasiya.

Manindigan ka.


                                                                       

                                                                  Canvas Facebook Page

PAULIT-ULIT

 Isinulat ni : Nashvie Magracia


Pinagmasdan kong tumayo ang maliit na aso sa gitna ng kalsada.

Bagaman basa ang inuupuan, ginalaw niya pa rin ang buntot nang paulit-ulit. Paulit-ulit.

Bagaman bumuhos ang masaganang ulan, minasdan ko ang likod niyang puno ng putik.

At naisip ko kung gaano ito kalungkot tignan.

Hindi ba siya nalalamigan? Hindi ba siya nahihirapan?

Hindi ba siya hinahanap sa kanyang tahanan? Hindi ba siya hinahanap ng kanyang magulang?

Bagaman nag-iisa, itinaas niya at ginalaw ang buntot nang paulit-ulit. Paulit-ulit.

Bagaman bumuhos ang masaganang ulan, minasdan ko ang likod niyang puno ng putik.

At naisip kong wala siyang kapaguran.

Hindi pa ba siya natakot? Hindi pa ba niya gustong sumuko?

Hindi pa ba siya nasindak ng mga kapwa-aso? Hindi pa ba siya nangamba sa mga tao?

Bagaman malungkot, pinilit niyang lakasan ang pagtahol nang paulit-ulit. Paulit-ulit.

Bagaman bumuhos ang masaganang ulan, minasdan ko ang likod niyang puno ng putik.

At naisip kong walang nakaririnig.

Hindi pa ba siya paos? Hindi pa ba siya pagod?

Hindi niya ba naisip na walang makaiintindi? Hindi niya ba naisip na walang may paki?

Pinagmasdan kong tumayo ang maliit na aso sa gitna ng kalsada.

Lumapit ako at tinignan ang kaawa-awa nitong mukha.

Kuminang at sinalamin ng kanyang mata ang akin.

Humalakhak ako nang paulit-ulit. Saka tinadyakan ito nang paulit-ulit. Paulit-ulit.

Hinayaang nakabulagta sa sariling dugo at putik.

Hindi ako nakonsensya bagkus, nagbigkas pa ng munting hiling,

"Sana ito rin ang mangyari sa akin."


                                                                

                                                                Canvas Facebook Page