Isinulat ni : Mariz Peñaflor
Sabado, 6:00 ng hapon.
Lumipas na pala ang maghapon.
Gaya ng kinagawian, halos buong araw na tulog si ate dahil night shift ang
kanyang trabaho bilang online teacher.
Si kuya naman ay may sarili na ring pinagkakaabalahan. Bilang isang engineer,
madalas na lang s’yang nakaharap sa kanyang laptop upang intindihin ang kanyang
mga proyekto sa kumpanya. Kami naman ni Jing-Jing ay may iba na rin mga interes
kaya hindi na kami masyadong nag-uusap. Puro na lang kasi siya social media, at
sa lahat ng pagkakataong nag-uusap kami ay puro palabas o di kaya’y buhay ng
mga artista ang bukambibig n’ya. Naiintindihan ko naman s’ya kahit papaano
sapagkat dumating din ako sa ganoong punto noong high school. Hindi pa kasi
masyadng busy sa pag-aaral kaya’t marami pa akong oras magmarathon ng mga
palabas. Ngayong nasa kolehiyo na ako, minabuti ko nang ilaan ang aking panahon
sa pag-aaral. Hindi kasi ganoon kadali ang kursong nursing, pero kapag may
bakanteng oras, nagbabasa naman ako ng mga nobela para hindi makulta ang aking utak
sa kakareview. Si mama naman, kung hindi nagluluto, nananahi o naglalaba, siya
ay nakikipagkwentuhan sa kapit bahay kaya’t hindi rin siya naiisip. Si Lolo…
ano nga bang ginagawa ni lolo tuwing ganitong oras?
Nung mga bata pa kami at wala
pang kanya-kanyang buhay, isinasama pa kami ni Lolo sa talyer na
pinagtatarabahuhan niya pagkasundo niya sa amin galing eskwela. Doon marahil
nakuha ng aking kuya ang interes sa mga makina. Tuwing Sabado naman, kaming
magkakapatid ay dinadala niya s bukid para mag-jogging. Pagkagaling naman namin
sa church service tuwing Linggo, ay ipinagluluto niya kami ng meryenda. Ang
pinakapaborito ko noon ay turon at maruya. Yun nga lang, may limang taon na
siguro nang huli ko iyong matikman. Nastroke kasi lolo at mula noon ay hindi na
bumalik ang dati niyang lakas. Marahil ay dahil na rin sa kanyang edad. At
marahil ay nagbago na nga kaming lahat mula noon. Wala na ang malalakas na
halakhakan mula sa matitinis na tinig ng aming kabataan.
Maya-maya ay may narinig akong
munting halakhak. Parang umalingawngaw ito sa gitna ng nakabibinging
katahimikan dito sa bahay. Sumilip ako ng bahagya sa sala, at doon ay nakita ko
si lolo na nakaupo sa kanyang wheel chair. Kakaiba na ang tunog ng kanyang
halakhak. Mahina na ito at garalgal, gayun pa ma’y bakas pa rin ang di ko
malilimutang musika ng kanyang masayang pagtawa. Kagaya ng dati.
Bigla tuloy akong napaisip.
Nagbago rin kaya si Lolo? Ang tagal na kasi noong huli kong narinig ang tawa
niyang ganoon kasigla . Para ba akong bumalik sa isang masayang alaala.
Ibinaba ko ang hawak kong aklat.
Pagkatapos ay nagtungo ako sa kinauupuan ni Lolo upang malaman ang kanyang
gingawa.
“Lolo, ano po ang ginagawa
ninyo?” Tanong ko sa kanya.
“Wala ito apo, tinitingnan ko
lang ang mga larawan ninyo,” masayang sagot ni Lolo.
“Ang lalaki n’yo na talaga, tingnan mo ito ang liit-liit pa dito ng kuya mo,” sabi niya sabay pagtawa, subalit sa gilid ng aking mata, napansin kong nagpunas siya ng kanyang luha.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento