Anong Lasa ng Lumpia
Ni James?
Jackson L
July
17, 2017. Monday.
I.
Hapon na pala?
Malapit nang bumagsak ang langit at
kumagat ang gabi, lumalabas na ang mga pinaka maliliwanag na tala sa maruming
kalangitan. Malamig ngayon kahit nasa kalagitnaan ng Hulyo, hindi naman umulan,
hindi rin naman malakas ang amihan, hindi rin naman nagyeyelo ang mga kalapit
bansa. Bakit kaya ganito kalamig ngayon?
Marahil, dahil naglalakad ako
ngayon sa gilid ng isang malaking daanan, sa harapan ng isang malaking kapilya
ng mga Katoliko at isang paaralanang aking pinapasukan, o marahil, malamig
dahil sa mga nangyari nitong nakaraan? Hindi ko sigurado. Ang sigurado ko lang
ay umuwi ngayon sa aming tahanan para ipahinga ang naliligaw na sarili sa kung
anong tunay na ibig-sabihin ng buhay.
Ang daming mga nangyari nitong
nakaraan, halos masuka na nga ako sa dami ng mga sinubo ko na nagmula pa sa
masakit na katotohanan. Halos hindi ko na kayang tumanggap ng kahit ano.
Inilagay ko ang mga nilalamig kong
kamay sa mainit na bulsa ng aking pantalon at inyuko ang aking ulo, ayaw ko
munang makakita ng kahit ano bukod sa aking mga paang sabik na makauwi.
Sa kalagitnaan ng aking pag
lalakad, hindi pa ako nakalalampas sa kapilya't paaralan, ay may tumawag sa
akin, dalawang pamilyar na boses, parehong mataas ang adyangaw, kasabay ng mga
paang humahampas sa lapag. "Red!"
Bahagyang naubos ang tubig sa dagat
ng aha na aking pinagkakalunuran.
"Red!" Sabay nilang
ibinuga mula sa kanilang mga bibig. Mas mababang adyangaw sa pagkakataong ito.
"Sama ka na?" Napapagod
na sinabi ni Em, habang nakatingin naman at masayang nakangiti si Kyle.
Nararapat ba?
Nararapat ba akong magpalunod pa sa
aha?
Patlang.
Bakit nga ba ako nag papakalunod
pa?
July
14, 2017. Friday.
Umaga.
Hindi pa man lumalabas mula sa lupa
ang isang malaking araw na alam kong susunog mamaya sa mga construction worker
sa mga ginagawang building sa school namin ay agad na akong gumising at kumilos
para makapasok sa paaralan. Hindi pa tumitilaok ang manok ay nagiingay na ang
cellphone kong tumutugtog kasabay ng mga kapit-bahay na nagagalit dahil sa
lakas ng boses ko na umiindak kasabay ng mga mataas at mababang adyangaw
Patay ang ilaw at halos wala akong
makita dahil sa labo ng aking mata dahil kagigising ko lang.
Binuksan ko ang ilaw at halos
mabulag ako sa liwanag. Sa pagkakataong
nawala ang bulag, tumambad sa akin ang mga bagay na parati kong nakikita sa
umaga. Mga upuang kahoy na kulay kayumanggi na nakalagay sa harap ng isang mas lumang
lamesang kahoy na kulay kayumanggi din, mga gamit pangluto na nakasabit sa
kusina, mga bagay na nakasabit sa dingding na hindi naman namin nagagamit, mga
damitang nakalagay sa mas mataas na parte ng bahay para hindi makain ng tubig
kapag umuulan dahil bumabaha sa aming bahay kahit mahinang ambon lang ang
dumaudos pa ibaba sa lupa mula sa langit.
Lahat ay normal naman, bukod sa
hindi ko makita ang pusa naming isang taon nang hindi umuuwi subalit 'di ko pa
rin nalilimutan.
Sinumulan ko ang aking umaga sa pag
sasaing ng bigas, at pag luluto ng asin na nilagyan ng itlog. Ngayon ko na lang
ulit matitikman ang pinaka masarap na kaya kong lutuin ah! Isang sunog na itlog
na may kaunti pang matigas na balat.
Malamig ang tubig at kailangan ko
na muling magdasal sa bawat santong kilala ko para iligtas ako sa kamatayang
kayang ibigay ng sobrang lamig na tubig na marahil tutuhog sa aking likuran
patungo sa pinaka ilalim ng aking isipan. Bahagyang bukas ang banyo namin kaya
siguradong mumultuhin ako ng simoy ng hangin at bubugbugin ng hamog na papasok
sa bawat pagkakataong magbubuhos ako ng tubig sa aking katawan.
Ang bawat buhos ay mag kasamang mga
bersikulo mula sa pinaka kilalang libro ng mga Kristiyano. Naguusok ang aking
katawan hindi dahil sa mga sinasabi ko sa loob ng banyo kundi dahil sa init ng
aking katawan at lamig ng paligid. Nakamamanghang titigan ang mga padrong
ginagawa ng usok.
Matapos maligo ay ihinanda ko ang
mga bagay na dadalhin ko sa eskuwelahan.
Tinanggal ko ang lahat ng laman ng
aking bag at nakita ang lahat ng basurang laman nito na naipon na sa loob ng
ilang buwan, o taon. Inisa-isa kong tanggalin ang mga papel na nilukot, mga
dilawang lapis, pulang lapis, propeler ng eroplano at bangkay ng pusa kong
isang taon nangwawala.
Matapos kong ilabas ang lahat ay
muli akong pumili kung ano lang ang dapat na ipasok pabalik sa aking bag.
Habang nagpapasok ako ng mga gamit ko sa school na hindi ko rin naman magagamit
dahil hindi ako nagaaral ng maayos. Bigla akong may narinig na pamilyar na
boses, pambabae, gustong manakal pero puno ng asukal.
"Ingat parati."
Hindi na ako lumingon, alam kong
hindi totoong boses lamang yon. Isang boses na nadidinig ko dahil sinabi 'yon
ng isang babaeng bumago at bumabago sa akin.
Pero jusko! Hindi ko alam kung
matatakot ba ako dahil laganap ang HIV ngayon lalo na lungsod namin, o
matatakot ako dahil nakaririnig na ako ng mga bagay na dapat hindi nadirinig ng
isang tao.
Pero alam ko ang ibig-sabihin ng
ganoong pangyayari, lalo na sa umaga, at alam ko na rin naman ang ibig-sabihin
ng mga sinabi niya. Gusto niya pa akong makita mamaya, bukas, at sa mga susunod
na araw. Oo, mag iingat ako lagi.
Hindi pa man nagsisimula ang araw
ko ay tila buo na ito agad. Salamat, Ligaya.
Patlang.
Kinalkal ko ang lalagyanan ko ng
mga lapis at nakita ko doon ang cellphone niyang iniwan o naiwan niya kahapon
sa bahay nila Em noong gumawa kami ng assignment. Alam ko ang password kaya
agad kong binuksan at tinitigan ang bawat litratong niyang aking puwedeng
titigan.
Napaka ganda niya.
Sa kalagitnaan ng aking titig sa
isang parihabang lumiliwanag na bagay ay biglang tumigil ang tugtog ng aking
cellphone na naiwan ko pala sa loob ng banyo, hindi naman ako napasok ng galit
na kapit-bahay at binasag ang cellphone ko, tumigil lang ito dahil ala sais y
medya ng umaga at malapit nang magsimula ang aking bagong araw, gayunpaman,
hindi pa ako nakakapag bihis ng uniform ko.
Sampung minuto ang itinagal ng
pagpili ko ng aking gagamiting panyo ngayon araw. Kulay kahel ang aking napili,
mula sa isang kaibigang nawalan ng panyo.
Nagsimula akong maglakad papasok.
Malapit lang naman ang school namin. Mga kinse o benteng minuto lang ay maaabot
na 'yon.
Sa malayo, nakikita ko ang liwanag
ng pa sikat at pasikat na araw, nakikita ko ang maganda niyang ngiti. Masaya
ako dahil makikita kitang muli.
Tumungo ako sa musipyo ng Cavite at
umupo sa isa sa mga paikot na pulang batong upuan doon at nagsimulang magsulat
sa aking journal. Malapit lang sa amin ang munisipsyo ng Cavite at ang
paaralang aking pinapasukan. Ilang oras din akong nakatitig sa libro ni Ambeth
Ocampo at ilang oras din akong nakikipag buno sa aking journal.
Ilang oras at tumungo na ako sa
eskuwelahan.
Magsisimula na ang klase. Alas
onse, wala pa rin akong Ligayang nakikita. Sabi niya alas onse siya pupunta.
Gayunpaman, nakinig na lamang kami ng musika ni Ortiz. Habang nag uusap ukol sa
buhay na wala namang patutunguhan.
Alas onse at labing tatlong minuto,
dumating ang aking ligaya.
Tumayo ako at inayos ang damit kong
halos masunog na dahil sa sobrang init nang pag plantsa ko kaninang umaga.
Inayos ko rin ang buhok kong parang aking buhay, hindi alam kung saan patungo.
Gusto ko guwapo ako kapag nakita
niya ako.
Tatlong minuto akong nakatayo doon
sa gilid at iniisip kung bakit lahat ng magandang genes ng magulang ko ay
napunta sa mga kapatid ko at sa akin naman ang latak.
Isa pa, iniisip ko rin kung paano
ko kakausapin si Ligaya. Magmumukha naman akong nakakatakot kung bigla akong
lalapit at magsasalita ng mga bagay na hindi niya alam.
Ano nga ba puwede kong sabihin?
"Maalat ang ulam ko kaninag
tanghali" Hindi, mali yata yan.
"Nakita mo yung construction
worker sa baba kanina?" Syempre naman nakita n'yan yon. At isa pa, wala
namang magaganap na diskuro kung sasabihin ko 'yon. Dapat ang sagot niya hindi
"oo" o "hindi"
"Malamig ba ang tubig sa
inyo?" Bakit ba wala akong maisip na maayos!
Naalala kong bigla ang cellphone na
naiwan niya noong nakaraang araw. May dahilan na ako para makausap siya! Inayos
ko ang aking pustura at kinuha ang cellphone niya sa bag ko. Inayos ang buhok at
nag praktis ng mga salitang pwede kong ibato mamaya sa kanya. Ulit.
"Joy yung cellphone mo,
kakainin ko sana yan kaninag umaga noong nasa munisipyo ako dahil nagugutom
ako--" Hindi! Hindi magandang sabihin yan.
Sinubukan ko pang mag isip habang nakatitig
sa bukas kong bag.
"Joy, catch!" Hindi! Mas
hindi magandang sabihin yan sa babaeng napupusuan mo. Sige, mag isip ka pa!
"Aking Ligaya, ito ang iyong
teleponong iyong naiwan nitong nakaraang araw sa tahanan ng ating kaibigang
pinanganlanan hango sa Biblya, si John Michael. Ito aking Ligaya, tanggapin
mo." Perpekto! Ito na ang aking ibabato sa aking Ligaya!
Tumindig ako na parang gusto kong
kainin lahat ng aking madaraanan, maliit man o kasing laki ko dahil hindi ko
kaya ang mas malaki sa akin.
Lumapit ako kay Ligaya at ininat ko
ang aking pagod na braso patungo sa kanya.
"Joy, naiwan mo kahapon."
Malamig ang aking boses at halos nanginginig ang aking kamay na iniabot ko ay
Ligaya ang kanyang cellphone. Tila isa akong batong gumagalaw. Tunog trapo ang
aking boses at halos magkaskasan ang dalawa kong tuyong lalamunan.
Bakit hindi ko nasabi ang lahat ng
gusto kong sabihin!
Uwian.
Halos makipag suntukan ako sa mga
tao sa gate bago maglabasan. Medyo masikip talaga sa school namin kapag uwian,
lalo na kapag nasa gate ka na. Parang EDSA pero puro tao at hindi mga sasakyan,
sayang lang dahil walang masasagasaan sa aking harapan.
Muntik akong mainis noon subalit
aking naisip. "Hindi naman siguro maiiwasang may mga taong gustong makauwi
agad."
Makauwi nga ba?
Paglabas namin ng gate, dumiretso
kami nila Leomar, Charlz, Ligaya, Dee, at Em sa computer shop. Wala kaming
malaruan dahil puno lahat ng mga computer shop na dinaraanan namin, puno ng mga
batang parang ilang linggo hindi naligo habang sinusunog ng araw. Halos ipukpok
na nila ang mga mukha nila sa maliwanag na screen sa gitna ng madilim na
kwarto.
Hindi nagtagal, napagtanto naming
dumiretso nalang sa mall na iilang tumbling lang mula sa school namin.
Kailangan nga pala naming bumili ng mga makakain at kailangan bukas para sa
isang science exhibit na dadaluhan namin.
Pag punta namin ng mall, muntik pa
akong hindi makapasok dahil mukha akong snatcher at paranoid ang guard. Akala
niya yata may improvised explosive device ako sa bag, halos masira yung bag ko sa
pag kalkal niya at paghanap ng bomba na nasa bulsa ko lang naman.
Pag pasok namin, maraming kaming
ginawa. Halimbawa, nakipag suntukan sa cashier. Bukod pa doon, namili rin kami
ng mga pagkaing alam kong hindi healthy dahil sa sobrang alat at sobrang daming
asin na uubos ng tubig sa loob ng katawan ko. Bumili rin kami ng mga maiinom na
puwedeng pumuna sa kung anong nawala dahil sa asin.
Tapos na kaming mamili, umuwi na
yung iba, bukod sa amin ni Em dahil, gaya ng parati, kailangan kong tumambay sa
bahay nila para mangulit. Pero bago 'yon, namili muna kami ng kinatay na manok
dahil magluluto si Em bukas ng adobo, magaling mag luto si Em. Mas magaling pa
sa abilidad kong magtago ng bomba sa bulsa.
Kagaya ng parati, kinuwento ko sa
kanya kung gaano ako kasaya na kasama ko si Ligaya sa loob ng ilang oras, na
alam niya naman daw dahil kasama rin siya kanina dahil classmate ko siya.
Isa pang patlang!
Kinagabihan.
Naglalakad ako pa uwi habang
binubugbog ng buwan ang araw pababa muli sa lupa.
Dilaw at berde ang lahat ng aking
nakikita, hindi gaanong mapula ang langit ngayon, malamig pa ang paligid.
Natapos ang buong araw at sobrang
saya ko dahil buong araw ako sa kanya ay nakatingin mula sa malayo at kunwaring
nakikipag usap sa kanya sa aking haraya. Hanggang kailan kaya niya ako
mamahalin? O, marahil ang tamang tanong, mahal niya ba talaga ako?
Hindi ko sigurado dahil hindi pa
naman tapos ang paghahanap ko ng ibig-sabihin ng pagmamahal, ako'y kinakain pa
rin ng mga katanungang hindi ko kayang sagutin.
Asul na ang langit. Naamoy ko na
rin ang halimuyak ng mga puno't patay na halaman. Maingay na rin ang mga palaka
sa damuhan.
Ang lahat ng ito ay tila isa
oyaying magpapatulog sa akin at gigising kinabukasan.
July 15, 2017. Saturday.
Umaga.
Iminulat ko ang aking mga mata ka
sabay ng mga ibong humihuni't nagsisipag away sa taas ng aming bubong. Walang
pasok ngayong araw dahil sabado, pero napilitan akong gumising kahit na araw ng
pahinga ngayong araw. Tinatamad ako ngayong pumunta sa school. Pero wala na
akong magagawa dahil kailangang sumama sa naturang science exhibit. Lalo na't
nandoon si Ligaya. Marahil magalit sa akin 'yon, gumawa pa naman kami ng
kasunduan kagabi na kailangan naming magsama buong araw sa science exhibit.
Hindi na ako makapaghintay na
ikuwento sa kanya ang mga construction worker sa amin. Pero sa tingin ko hindi
niya magugustuhan 'yon.
Seven daw dapat nasa school na
kaming lahat para hindi maiwan ng bus. Kaya naman sobra akong nag madali para
hindi maiwanan ng bus. Sinubukan ko nang mag saing para sa makakain ngayong
araw, nagluto ako kagabi ng pork chop. Hindi gaanong maalat dahil sinaktuhan ko
lang ang timpla maalat na ang mga binili ko kagabi, kaya sapat na 'yon para sa
UTI na gusto kong makuha. Isa pa, hindi naman ganoon karami ang kakainin ko
ngayon araw.
Eight na ng umalis ang bus.
Filipino time pala ang seven ng umaga na calltime.
Nagsimulang umandar ang bus, hindi
gaanong traffic ngayon dahil Sabado. Isa pa, wala naman sa isip ko na masama
ang matraffic ngayon dahil kasama ko si Ligaya. Mas gusto ko ngang matraffic
kami para mas mapatagal pa ang pagsasama namin ngayong araw.
Magkashare kami ng earphone,
nakikinig ng mga kantang alam ko ng hindi magtatagal ay magkakaroon ng malaking
ibig-sabihin sa akin.
Mahal kaya ako ni Ligaya? Muling
tanong ng aking isipan. Hindi ko rin alam ang sagot, basta ang mahalaga ngayon
ay mag kasama kami, bahala na si Batman o kung sinomang superhero na puwede
kong sisihin kapag ako ay nasaktan.
Sa kalagitnaan ng aming pag andar
ay napapatingin ako kanyang kamay. Hindi ko nagawang hawakan ang kamay niya.
Busy ako sa paglalaro ng cellphone niya e. Isa pa, nakakahiya namang hawakan ko
ang kamay niya ng walang pahintulot niya. Baka makasuhan ako ng sexual assault
o ng possessing of firearms dahil magdadala ako ng bomba sa aking bulsa. Masaya
na akong magkasama kami, kahit hindi kami mag kahawak ng kamay.
Masaya ako sa mga nakikita ko sa
labas ng bus, nagbibilang ng mga taong dumadaan, ilang puno ang ubos na ang
halaman kahit na tag-init pa, at ang magandang mga mata ni Ligaya. Kuntento na
ako sa kung anong nakikita ko ngayon. Nalimutan ko na lahat ng mga dalumat na
nasa aking isipan nitong nakaraang madaling araw.
Ilang oras na ba kaming umuusad
papunta ng aming patutunguhan? Hindi ko rin alam, busy ako sa pag gamit ng
cellphone niya.
Inaantok na ako.
Sandali lang, gusto kong gumawa ng
bagong bagay, baka lumampas lang ang lahat ng pagkakataon. Itinigil ko ang
music at tumingin ako sa mata niya. Nakatingin din siya sa aking mga mata at
tinutusok ng kanyang paningin ang aking kaluluwa. Nanginginig ako, gusto kong
magsalita. Pero ang nagawa ko lang ay humiga sa maputi niyang braso.
Narinig ko ang marahan niyang tawa.
Ang sarap pala sa pakiramadam.
Nakarating kami ng tanghali sa
World Trade Center, Metro Manila.
Makulimlim ngayon araw, bahagyang
malamig at kulay abo ang kulay ng langit. Walang araw. O marahil mayroon
subalit nagtatago sa mga ulap.
Nagsimula kaming gumala sa loob ng
World Trade Center.
II.
Umaga.
Magkatabi kami ni Klein.
Simula pa lang ng pag upo natin sa
bus ay halo-halo na ang damdamin ko. Natutuwa ako sa mga nangyayari, masaya, at
kinakabahan. Nag share kami ng earphone, puro Parokya Ni Edgar yung kanta.
Marahil hindi magtatagal ay parati ko na siyang maalala sa mga kantang aming
pinakikinggan ngayon.
Sobrang saya ko. Lalo na't nakasandal dahil sabi mo'y nahihilo
ka wala akong pakialam sa kung anong dahilan ang mahalaga ay nakasandal ka sa
aking mga braso, kahit na medyo wirdo ang pagtitig mo sa aking mga mata patungo
sa aking kaluluwa. Nakatingin sa labas, o marahil ay sa aking mga mata. Kung
iniisip mo na mahal mo ako, salamat dahil mahal din kita.
Gusto ko nang hawakan ang kamay mo
Klein, pero sobrang nahihiya ako't hindi alam ang gagawin. Bakit ba kasi hindi
ka maunang humawak, nahihiya ka ba o busy ka lang sa paglalaro ng cellphone ko?
Kukunin ko talaga 'yan sa'yo 'pag hindi ako nakapag timpi!
Nagulat ako ng muli kang gumalaw,
tuminging muli sa aking mga mata at kinuha ang aking ulo't idinikit ito sa
iyong bisig. Nagpalit tayo, ako na ang nakasandal sa'yo.
Hinawakan mo ang ulo ko, at doon,
naramdaman ko ang kaba. Dahil alam kong bawal pa akong magkaroon ng isang taong
mag kakasama ko sa aking buhay na higit sa kaibigan ang turingan. Hindi ko
mapigilang madikit ang pagmamahal ko sa'yo.
Muli akong napatawa ng marahan.
Subalit hindi ko alam kung
nararapat ba ang ating ginagawa. Maraming bagay ang tumatakbo sa aking isipan
kahit ako'y masaya. Siguradong magagalit sila Mama kapag nalaman nilang may
isang lalaki na nagiging malapit sa aking higit pa sa pagkakaibigan. Kailangan
kong kumilos bago mahuli ang lahat.
Kinagabihan.
Pag uwi ko sa bahay. Nagsimula
akong magnilay. Iniisip kung ano ang dapat na mga kailangang gawin. Hindi ko
gustong mawala si Klein sa akin. Subalit natatakot akong baka isang araw
magkaroon ng isang malaking harang sa amin.
Natatakot ako.
Kinuha ko ang cellphone ko at agad
na nag chat kay Klein.
Ito na yata ang tamang panahon.
I.
Nakauwi na ako sa bahay, muli kong
narinig ang mga huni ng palaka habang inaamoy ang mga patay na halamang
humahalimuyak sa hanging puno ng usok mula sa mga kalapit na tinapahan sa aming
lugar.
Ano nga ba ang kailangan kong
gawin? Tinginan ko ang aking maliit na notebook at tinignan ang lahat ng
kailangan kong gawin. Research paper agad ang unang bumungad sa akin. Dios ko,
maling magbukas ng notebook na 'to!
Natandaan ko na ang kailangan kong
gawin. Binuksan ko ang messenger ko para alamin kung anong na ang nangyari kay
Ligaya. Sabik akong mabasa ang kanyang naramdaman ngayong araw, ganoon ang lagi
niyang ginagawa sa tuwing kami ay nagkakasama, at ganoon din ang parati kong
ginagawa matapos naming magkasama.
Sandali lang, ano ba ang dapat kong
sabihin sa kanya? Bukod sa kailangan kong ipaalala sa kanya na maganda siya ay
nararapat ko rin sigurong sabihin sa kanya ang pasasalamat ko dahil sa pag sama
niya sa akin at pagpapahiram niya ng kanyang cellphone sa akin.
Tumunog ang messenger ko,
nakakatuwa, naunahan niya akong magpasalamat. Isang message ang agad kong
nabasa.
Hindi ko alam kung anong dapat kong
maramdaman.
"Narealized ko lang na hindi
talaga kita mahal. Siguro nasabi ko lang yun kay jm kasi nasanay lang ako sa
closeness natin dati. Wala talaga. Wala akong nararamdaman kanina. Sorry.
Hindi."
Hindi ko alam kung anong nararapat
kong gawin ngayon, may nagawa ba akong mali? Hindi naman ako naging masama sa
kanya.
Nanghihina ako't pakiramdam ko'y
kailangan kong magpahinga ng mahaba-haba. Hindi na ako makapag reply sa kanya
dahil pinutol niya na ang kanyang ugnayan sa akin.
Ligaya, anong nangyari sa atin?
July 17, 2017. Monday.
I.
Hapon na pala?
Malapit nang bumagsak ang langit at
kumagat ang gabi, lumalabas na ang mga pinaka maliliwanag na tala sa maruming
kalangitan. Malamig ngayon kahit nasa kalagitnaan ng Hulyo, hindi naman umulan,
hindi rin naman malakas ang amihan, hindi rin naman nagyeyelo ang mga kalapit
bansa. Bakit kaya ganito kalamig ngayon?
Marahil, dahil naglalakad ako
ngayon sa gilid ng isang malaking daanan, sa harapan ng isang malaking kapilya
ng mga Katoliko at isang paaralanang aking pinapasukan, o marahil, malamig
dahil sa mga nangyari nitong nakaraan? Hindi ko sigurado. Ang sigurado ko lang
ay umuwi ngayon sa aming tahanan para ipahinga ang naliligaw na sarili sa kung
anong tunay na ibig-sabihin ng buhay.
Ang daming mga nangyari nitong
nakaraan, halos masuka na nga ako sa dami ng mga sinubo ko na galing sa masakit
na katotohanan. Halos hindi ko na kayang tumanggap ng kahit ano.
Inilagay ko ang mga nilalamig kong
kamay sa aking mainit na bulsa ng aking pantalon at inyuko ang ulo, ayaw ko
munang makakita ng kahit ano bukod sa aking mga paang sabik na umuwi. Sa
kalagitnaan ng aking pag lalakad, hindi pa ako nakalalampas sa kapilya't
paaralan, ay may tumawag sa akin, dalawang pamilyar na boses, parehong mataas
ang adyangaw, kasabay ng mga. "Red!"
Bahagyang naubos ang tubig sa dagat
ng aha na aking pinagkakalunuran.
"Red!" Sabay nilang
ibinuga mula sa kanilang mga bibig. Mas mababang adyangaw sa pagkakataong ito.
"Sama ka na?" Napapagod
na sinabi ni Em, habang nakatingin naman at masayang nakangiti si Kyle.
Yumuko at bahagyang nag isip.
Birthday ni James nitong nakaraan, at marahil ngayon araw siya mag bibigay sa
amin ng makakain. Sana may lumpia.
Nararapat ba?
Nararapat ba akong magpalunod pa sa
aha?
Hindi. Hindi dapat ako malunod sa
aking problema.
"Sige na, gusto ko rin namang malaman
kung anong lasa ng lumpia ni James."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento