Naka-feature

ASTER

Jackson Lee Walang kilala si Henry sa kanyang mga kasama, subalit bilang kilalang mga aktibista sa pamantasang pinapasukan niya, nanin...

Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Socio-political. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Socio-political. Ipakita ang lahat ng mga post

NGAYON ANG PANAHON

 Isinukat ni : Mayks


Naghihilom ang kalikasan

Habang nagdurusa ang karamihan

Nagkalat na ang mga busaw sa lansangan

Habang prente ang naghahari-harian

Marahil ganti ito ng kalikasan

Sa kasakiman ng sangkatauhan,

Mali, ganti ito ng kalikasan sa naransan niyang pananamantala ng iilan

Ngunit lahat ay dumadaing

Dahil walang pinipiling gantihan ang kalikasan

Walang sini-sino ang pandemikong ito

Nararapat na wala 'ring nagaganap na pagpili

Sa kung sino lang ang makakatamasa

Ng ayuda at serbisiyong medikal

Huwag pagkaitaan ang masa

Pagkat sino ba ang tinakbuhan natin

Noong nagkulang tayo sa makakain?

Sino ba ang kinailangan natin

Noong tayo'y "nagpanic buying"

Sino ba ang pinasasalamatan natin sa kalinisan ng paligid?

Higit sa lahat sino ba ang inaasahan nating magsusuri at magsasapraktika ng solusyong medikal na lubos nating kailangan?

Mas pipiliin ba nating pumanig sa naghahari-harian

At makakampante na lamang ba tayo habang patuloy ang pagpapahirap sa manggagawa

Mananatili ka na lang 'bang naka-imik, habang nababalitaan ang tahasang pagpaslang sa mamamayan?

Ngayon ang panahon ng pagpapasiya.

Manindigan ka.


                                                                       

                                                                  Canvas Facebook Page

ASTER

Jackson Lee



Walang kilala si Henry sa kanyang mga kasama, subalit bilang kilalang mga aktibista sa pamantasang pinapasukan niya, naniniwala siyang maganda ang ipaglalaban ng mga ito.

Kung susumaungin, hindi niya pa gaanong kilala ang mga kasama niya ngayon, ni hindi niya pa nga nakakausap ang mga ito ukol sa kanilang mga nakaraan o kahit sa kung anong gusto nila sa hinaharap. Paano kung totoo ang turang ng mga tao na mga satanista ang nasa building na 'yon? Paano kung mga NPA nga sila?

Maraming tanong sa kanyang isipan, subalit hindi sapat ang panahon para sagutin ang lahat ng ito.

Maliwanag ang araw kahit maraming ulap sa langit. Hindi ganoon kainit ngayong araw kahit malapit na ang tag-init. Hindi niya mabilang, subalit alam niyang marami sila sa isang esquinita patungo sa arko ng Morayta para sa gaganaping pagaaklas laban sa pagmamalupit ng gubyerno sa mga taong naghihirap sa bansa.

Tila isang senaryo sa isang pelikula ang namamataan ngayon ni Henry.

Kahit napakarami nila sa marikit na esquinita, nangingibabaw pa rin si Aster mula sa mga taong kasama nito. Ang maskara niyang gawa sa lupa na kasing laki ng isang bola ay bumabalot sa buo niyang mukha bukod sa baba at bibig. Kasing kulay ito ng balat niya kaya nagmumukha siyang isang taong may malaking ulo't walang buhok. Nakaatakot na pagmasdan. Sa katunayan hindi rin alam ni Henry kung bakit may suot na ganitong kabigat na maskara si Aster, marahil isa itong propaganda laban sa gubyerno, o isang paraan upang masmapalawig ang samahan nila. Kung ano man ang sagot doon, hindi niya gustong malaman pa.
Hindi malinaw kay Henry kung anong ipaglalaban subalit alam niyang kailangang sumigaw sa Morayta at magsumamo upang, at para, maitaas ang sahod ng mga manggagawang Pilipino. Ayon ang pagkakaintindi niya sa gaganaping pag aaklas, subalit ang mga sumunod na sinabi ni Aster kanina ay halos hindi niya namaisip.

Mula sa malayo ay naririnig na nila ang mga sigawan sa Morayta at sa bawat hakbang, mas lumalakas ito.

Masakit sa tainga na marinig ang mataas na frequency na binubuo ng mga malalakas na mikropono mula sa malayo.

Dahil sa takot, gustong bumalik ni Henry sa pamantasan, hindi siya ginawa para sa pagaaklas dahil isa siyang mahinang tao't halos walang nagiging ambag para sa lipaunan, wala siyang kayang ipaglaban, wala siyang kayang patunayan. O marahil mayroon, subalit ang sabi ng lipunan, at ng kanyang mga magulang, ay wala.

Takot na lumaban si Henry sa mga taong may kapangyarihan at nakakataas. Subalit, marahil, maaari siyang mabago ng isang tao.

Subalit, paano kung tama nga ang kanyang mga magulang na wala siyang kayang gawin para sa ikauunlad ng sarili o ng bayan? Paano kung tama nga sila na isang araw ay babagsak siya dahil sa kahinaang taglay? Paano kung tama sila na sa pagkakataong siya ay lumihis sa kagustuhan ng kanyang magulang ay wala na siyang patutunguhan?

Naghahanap sa langit ng sagot si Henry sa mga katanungang hindi magkamayaw sa kanyang isipan.
Dahil sa pagkatitig sa langit ay hindi na niya namalayang nakatigil na ang lahat, at hindi niya sadyang nabangga si Aster sa harapan na nakatalikod mula sa kanya.

Ang mapayat na katawan ni Henry ang dahilan ng kanyang pagbagsak sa lapag.

Nawala ang liwanag ng langit dahil sa isang malaking ulap, hindi mamataan ni Henry ang mga taong nakapaligid sa kanya, pawang mga paa lamang nito ang nakikita niya.

Madilim, at walang buhay sa ilalim.

Simula pa man noong bata siya'y kadiliman na ang naging kasangga niya sa mga labang ibinabato ng buhay. Wala siyang ibang kakampi bukod dito. Hindi na maituturing na bago ito pa sa kanya. Bukambibig ng kanyang ina na mahina siyang bata, walang kwenta sabi naman ng kanyang ama. Marahil ang pagiging mahina niya ay nagmula sa kanyang pamilya, mga taong akala niya'y malapit sa kanya.

Ayaw niyang itaas ang kanyang mukha dahil alam niyang mga dismayadong mata ang muling tititig sa kanya habang siya'y humihingi ng tawad.

"Bakit ganito ang grado mo?" Tanong ng kanyang ina sa kanya.

Malamlam ang paligid at malamig ang hanging pumapaligid kay Henry at sa kanyang ina sa sala sa ilalim ng malakas na ilaw. Bakas sa mukha ni Henry ang saya dahil sa unang pagkakataon ay nakakuha siya ng noventa y seis sa pinal na grado sa Filipino.
Gabi na subalit kagagaling pa lamang ni Henry mula sa paaralang pinapasukan niya. Ganito lagi ang uwi niya dahil sa mga extra curricular na sinalihan niya sa paaralan, sabi kasi ng guro niya, may karagdagan itong puntos sa pinal na grado't maganda ito para sa kanyang kinabukasan, lalaki siyang isang tao na hasang-hasa sa buhay.

Isang indibidwal na kayang harapin ang hirap, bakit nga ba siya hihindi? Kung hindi lang sana kasinungalingan ang mga narinig niya masaya sana siya ngayon.

"Bakit ka may line of eight?" Muling tanong ng kanyang ina, subalit sa pagkakataong ito, burado na ang ngiti sa kanyang mga mukha. Nakakalimutan niya na rin ang nirehearse niya sa Filipino Theatre Company sa paraalan nila. "At sa English pa talaga. Alam mo namang hindi maituturing na matalino ang batang bobo sa Ingles."

Mahal niya ang kanyang bansa at wika, at akala niya'y matutuwa ang kanyang ina sa kanyang nakuhang grado sa Filipino.

Masakit pala ang katotohanan.

Ayaw kontrahin ni Henry ang idolohiya ng kanyang ina. Masama bang hindi mag Ingles sa bansang may sarili namang wika? Tanong niya sa kanyang sarili.

"Ikaw si Henry mula sa Filipinolohiya, tama ba kaibigan?"

Isang mainit na kamay ang dumanpi sa pisngi ni Henry at dahandahang pinataas ang kanyang mukha ng taong humahawak sa kanyang pisngi. Malambot ang kamay nito. Malambot ang kamay ni Aster.
Nawala ang malaking ulap sa langit at muling lumabas ang tunay na liwanag ng haring araw. Isang mainit na silahis ng araw ang tumama sa kanyang mga mata. Hindi kita ang mukha ni Aster subalit bakas sa mga mata nito ang init ng apoy na kailangan ng isang bagong tubong aktibista.

"Tumayo ka, hindi nararapat na nasa ilalim ang isang indibidwal na kagaya mo."

Sa kanyang pag tayo, bagong init ang kanyang naramdaman. Wala na ang dilim na bumabalot sa kanya, tinanggal na ng isang bagong taong makakasama niya sa kanyang bagong buhay.

Isang esquinita na lamang at nasa Morayta na sila, malakas na ang dagungdong ng mga naglalakihang speaker ng mga aktibista. Nagsimulang magsalita si Aster sa gitna ng isang maliit na pagpupulong, malakas at puro.

"Ang lipunan ay hindi itinayo sa isang maliwanag na idolohiya, itinayo ito sa kasinungalingan. Lahat ng mga magagandang idolohiya at pangakong maliwanag, hindi ito ginawa para sa mga taong kagaya natin. Tinanggal nila ang ating dignidad, ang ating kalayaan, ang ating liwanag! Mga mamamaya ng lipunan, hindi na dapat tayo ginaganito. Mga kapatid, dumating na ang araw, ito na ang panahon upang lumaban. Alam niyo na kung sino ang susunugin natin."

Inilabas ng mga kasamahan ni Aster ang mga molotov sa kanilang bag at sinimulan itong sindihan. Habang si Aster naman ay inabutan si Henry ng isang panindi habang naglalagay ng mga kulay balat na pintura sa mukha ang kasamahan niya.

"Sindihan mo ang rebelyon."
Iling at hindi ang sagot ni Henry, hindi niya kayang maging isang kriminal.

Bakas sa mukha ni Aster ang dismaya, hindi pa nga yata kaya ng isang bagong usbong na aktibista na harapin ang katotohanang nais niyang sabihin sa lahat. Sinimulang patunugin ni Aster ang kanyang lighter. Tumalikod siya mula kay Henry at sumigaw ng isang salita. "Labanan ang lipunan!"

Sinindihan ni Aster ang kanyang molotov at ngumiti sa langit. Tumakbo patungo sa pinagmumulan ng malakas na tunog ng speaker ang mga tauhan ni Aster. Samatala'y naiwan naman sila ni Henry sa esquinita.

"Ako na ang babato niyan para sa'yo." Bigkas ni Henry kay Aster, tila may isang malakas na apoy sa mata nito.

Ngiti ang sagot ni Aster. Sa isip niya'y tumatakbo ang isang sagot sa kanina pang itinatanong ng kanyang isipan bago pa man pumunta sa Morayta.

Tila handa na na magsunog ng mga aktibista si Henry.



                                                      

Sana Alam Mo


Ni Mariz Alliah Peñaflor

Ibinaba n’ya ang kanyang kamay
Sa lupang pagkarumi-rumi
Tapos, buong lakas na binuhat ang sarili
At umupo sa kanyang tabi.

Wala man lang panlulumo
Ni hindi siya yumuko
Habang ang iba ay abalang bumubulong
Kung awa o panghanga, hindi ko sigurado.

Pinagpag n’ya ang kanyang kamay
Tapos, inabot ang hawakan ng jeep.
 At sa bawat preno at pag-usad,
lalong humihigpit ang kanyang kapit.

Ano kaya ang nasa isip n’ya?
O mahalaga pa ba ang sasabihin ng iba?
Hindi naman nasusukat ng kanilang mga mata
ang iyong tunay na halaga.

Kasi may dahilan ang buhay  natin sa mundo
Isang bagay na hinahanap at hindi isinusuko
Sana nakita mo, at sana nasabi ko man lang sa’yo
Para malaman mong ikaw ay perpekto.

Huwag ka na ulit susuko.



Naiwala

Ni: Mariz Alliah K. Peñaflor

Naiwala ko nanaman
Ang aking panulat
Hindi na matapos-tapos
Ang aking istorya.

Ganoon na lamang ba talaga
Pag nawala ang panulat
Wala na ring gana?
Sayang ang nasimulan.

Anong panulat ba kasi ang kailangan
Upang hindi na malimutan kailan pa man?
Hindi yung pagdaka'y sisilay dili
Pag napagod lumipad titigil madali.

Sa kabilang pahina, bakat pa rin ang mga letra
Na narito ngayon, bukas ay wala na
Kung hindi susundan, lalapatan ng tinta
Maglalahong tuluyan sa aking gunita,

Sayang.


                                            

Kumatok at Manawaran

Ni: Jackson Lee.



Maaga pa sa araw si Jared ng pumasok papuntang Talon Elementary School, maulan ngayon at makulimlim kaya hindi pa rin umuusbong ang araw kahit alas sais imedya na. Tanghali na ako, sa isip-isip ni Jared.

Nagbigayan ng libro kahapon, mukhang mas mapapatagal pa yata ang pag pasok ni Jared papuntang school. Wala pa siyang pamasahe kaya hindi rin siya makakasakay ng tricycle, sakto lang ang pera niya para sa pagkain.

Pagdating niya ng school, basa ang bag niya't halos mabasa rin ang libro sa loob. Inis na inis si Jared sa sarili, hindi dahil masisira ang libro, kundi dahil late siya't halos kainin siya ng tingin ni Ma'am Kayube.

Terror si Ma'am Kayube, guro ng mga grade four, nanakit daw ng estudyante 'pag hindi makuha sa tingin, kaya naman sobrang yuko si Jared ng mapansing lumapit na si Ma'am sa kanya.

Tinawag siya ni Ma'am Kayube't tinanong ng guro kung anong ginawa kahapon bago umuwi, sabi naman ni Jared na sa computer shop. Makikita ang inis ni Ma'am Kayube sa mga kilay nitong sobrang inahit. Nalimutan kong coveran ng manila paper ang libro ko. Yari na talaga. Buong araw siguro akong titigan ng masama ni Ma'am.

Buong maghapon ang dumaan at naging okay naman na ang kalagayan ni Jared dahil kausap niya ang kaibigang si Hector. Halos buong araw nilang pinaguusapan ang bagong laro sa computer.

Si Ma'am kayube naman ay may kausap na guro, nagpapainit sa apoy sa labas ng room nila. Mainit din ang tingin sa kanya ni Ma'am Kayube. Marahil pinag uusapan kung bakit lagi akong late.

Kinahapunan bago mag uwian, sinabihan ako ni Ma'am Kayube na kailangan naming mag usap. Bakit daw lagi kong kausap si Hector, masamang bata daw si Hector, 'wag kong lalapitan. Ilang minuto ako ni Ma'am kausap na sa tabi kami ng apoy, nakayuko lang ako't umo-oo sa kanyang mga sinasabi. Hindi nakapag tiis si Ma'am at pinaka kuha sa akin ang mga gamit ko.

Pagbalik ko sa room, nakita kong nakatayo si Ma'am malapit sa Apoy, mas malakas ito kaysa kanina, gabi na pala. Halos anino lang ni Ma'am ang naaninag ko. Nag simula siyang mag salita ng marinig ang pag bukas ng pinto. Keyso marami na daw ang namatay sa tokhang, keyso isa daw ang tatay ni Hector sa mga tulak, maraming napatay ang gubyerno, at magdadagdagan pa daw ito kung hindi ko lalayuan si Hector.

Kinuha ni Ma'am ang libro ko, nagmamaka awa naman akong pag bigyan pa ako ng pagkakataon, siguradong bukas may cover na ang libro ko. Ang kaso, nakatitig si Ma'am sa akin na parang gusto niya akong ibato sa apoy. Hindi 'yon ang problema, sabi ni Ma'am, baka daw tulak din ako kagaya ni Hector. Nagulat ako sa paratang ni Ma'am, hindi ako makapaniwala sa pag akusa niya sa akin, hindi ako makahanap ng dahilan para mag benta ng droga.

Nagmamaka awa ako sa kanya, hindi ako tulak at lalong hindi ako magiging tulak. Patuloy ang pagmamakaawa ko. Umiiyak na sana'y hindi niya ako parusahan kagaya ng mga ginawa niya sa estudyante niyang grade four. Lumuhod ako. Nagmaka awa. Subalit walang salita sa mga labi ni Ma'am, puno lang ng galit ang kanyang mga mata.

Sinunog niya ang mga libro ko, dahil baka daw doon ko tinatago ang mga kontrabando. Pumasok siya ng room at nagsimulang mag impake para sa kanyang pag-uwi. Bago umalis si Ma'am Kayube ay nagkasalubong kami ng mga mata. Umiiyak ang akin at malamlam.

Sa isip-isip ko, si Hector, mag-kano kaya ang maibebenta niya ngayon?



                           
                         

Nagtatanga-tangahan

Ni Flory Mae Cea

Hindi ka bulag
Pero mas pinili mo na hindi makakita
Sinisigaw ng mga tao ay 'Tulong, 'Laban', at 'Huwag'
Ngunit tinakpan mo ang iyong mga tainga
Naamoy mo na ang paghihirap at kamatayan
Mas pinili na lang ang takpan ang ilong at magtanga-tangahan
Nalalasahan mo na ang kasinungalingan at korapsyon
Imbis bigyang-pansin, hindi man lang binigyan ng aksyon
Nararamdaman ang mga kamay na pilit na humihingi ng tulong
Subalit kinuha lang ang mga ito para mapatahimik o ikulong Marami ang nakikipaglaban
Ang nakikipagsapalaran
Para sa karapatan
Kalayaan
At katarungan
Na dapat na nakakamit ng mga mamamayan
Sa kabilang banda
Marami rin ang bulag at nagtatanga-tangahan
Walang kamalayan
Sumabasabay lang sa sistemang puno ng kamalian
At kaguluhan Gumising ka
Mamulat ka
Magsalita ka
Umabante ka
At kapag gumising ka
'Wag ka ng pipikit pa.



Anong Lasa ng Lumpia Ni James?






Anong Lasa ng Lumpia

 Ni James?

Jackson L





July 17, 2017. Monday.



I.



Hapon na pala?



Malapit nang bumagsak ang langit at kumagat ang gabi, lumalabas na ang mga pinaka maliliwanag na tala sa maruming kalangitan. Malamig ngayon kahit nasa kalagitnaan ng Hulyo, hindi naman umulan, hindi rin naman malakas ang amihan, hindi rin naman nagyeyelo ang mga kalapit bansa. Bakit kaya ganito kalamig ngayon?

Marahil, dahil naglalakad ako ngayon sa gilid ng isang malaking daanan, sa harapan ng isang malaking kapilya ng mga Katoliko at isang paaralanang aking pinapasukan, o marahil, malamig dahil sa mga nangyari nitong nakaraan? Hindi ko sigurado. Ang sigurado ko lang ay umuwi ngayon sa aming tahanan para ipahinga ang naliligaw na sarili sa kung anong tunay na ibig-sabihin ng buhay.

Ang daming mga nangyari nitong nakaraan, halos masuka na nga ako sa dami ng mga sinubo ko na nagmula pa sa masakit na katotohanan. Halos hindi ko na kayang tumanggap ng kahit ano.

Inilagay ko ang mga nilalamig kong kamay sa mainit na bulsa ng aking pantalon at inyuko ang aking ulo, ayaw ko munang makakita ng kahit ano bukod sa aking mga paang sabik na makauwi.

Sa kalagitnaan ng aking pag lalakad, hindi pa ako nakalalampas sa kapilya't paaralan, ay may tumawag sa akin, dalawang pamilyar na boses, parehong mataas ang adyangaw, kasabay ng mga paang humahampas sa lapag. "Red!"

Bahagyang naubos ang tubig sa dagat ng aha na aking pinagkakalunuran.

"Red!" Sabay nilang ibinuga mula sa kanilang mga bibig. Mas mababang adyangaw sa pagkakataong ito.

"Sama ka na?" Napapagod na sinabi ni Em, habang nakatingin naman at masayang nakangiti si Kyle.

Nararapat ba?

Nararapat ba akong magpalunod pa sa aha?

Patlang.

Bakit nga ba ako nag papakalunod pa?



July 14, 2017. Friday.



Umaga.



Hindi pa man lumalabas mula sa lupa ang isang malaking araw na alam kong susunog mamaya sa mga construction worker sa mga ginagawang building sa school namin ay agad na akong gumising at kumilos para makapasok sa paaralan. Hindi pa tumitilaok ang manok ay nagiingay na ang cellphone kong tumutugtog kasabay ng mga kapit-bahay na nagagalit dahil sa lakas ng boses ko na umiindak kasabay ng mga mataas at mababang adyangaw

Patay ang ilaw at halos wala akong makita dahil sa labo ng aking mata dahil kagigising ko lang.

Binuksan ko ang ilaw at halos mabulag ako sa liwanag.  Sa pagkakataong nawala ang bulag, tumambad sa akin ang mga bagay na parati kong nakikita sa umaga. Mga upuang kahoy na kulay kayumanggi na nakalagay sa harap ng isang mas lumang lamesang kahoy na kulay kayumanggi din, mga gamit pangluto na nakasabit sa kusina, mga bagay na nakasabit sa dingding na hindi naman namin nagagamit, mga damitang nakalagay sa mas mataas na parte ng bahay para hindi makain ng tubig kapag umuulan dahil bumabaha sa aming bahay kahit mahinang ambon lang ang dumaudos pa ibaba sa lupa mula sa langit.

Lahat ay normal naman, bukod sa hindi ko makita ang pusa naming isang taon nang hindi umuuwi subalit 'di ko pa rin nalilimutan.

Sinumulan ko ang aking umaga sa pag sasaing ng bigas, at pag luluto ng asin na nilagyan ng itlog. Ngayon ko na lang ulit matitikman ang pinaka masarap na kaya kong lutuin ah! Isang sunog na itlog na may kaunti pang matigas na balat.

Malamig ang tubig at kailangan ko na muling magdasal sa bawat santong kilala ko para iligtas ako sa kamatayang kayang ibigay ng sobrang lamig na tubig na marahil tutuhog sa aking likuran patungo sa pinaka ilalim ng aking isipan. Bahagyang bukas ang banyo namin kaya siguradong mumultuhin ako ng simoy ng hangin at bubugbugin ng hamog na papasok sa bawat pagkakataong magbubuhos ako ng tubig sa aking katawan.

Ang bawat buhos ay mag kasamang mga bersikulo mula sa pinaka kilalang libro ng mga Kristiyano. Naguusok ang aking katawan hindi dahil sa mga sinasabi ko sa loob ng banyo kundi dahil sa init ng aking katawan at lamig ng paligid. Nakamamanghang titigan ang mga padrong ginagawa ng usok.

Matapos maligo ay ihinanda ko ang mga bagay na dadalhin ko sa eskuwelahan.

Tinanggal ko ang lahat ng laman ng aking bag at nakita ang lahat ng basurang laman nito na naipon na sa loob ng ilang buwan, o taon. Inisa-isa kong tanggalin ang mga papel na nilukot, mga dilawang lapis, pulang lapis, propeler ng eroplano at bangkay ng pusa kong isang taon nangwawala.
Matapos kong ilabas ang lahat ay muli akong pumili kung ano lang ang dapat na ipasok pabalik sa aking bag. Habang nagpapasok ako ng mga gamit ko sa school na hindi ko rin naman magagamit dahil hindi ako nagaaral ng maayos. Bigla akong may narinig na pamilyar na boses, pambabae, gustong manakal pero puno ng asukal.

"Ingat parati."

Hindi na ako lumingon, alam kong hindi totoong boses lamang yon. Isang boses na nadidinig ko dahil sinabi 'yon ng isang babaeng bumago at bumabago sa akin.

Pero jusko! Hindi ko alam kung matatakot ba ako dahil laganap ang HIV ngayon lalo na lungsod namin, o matatakot ako dahil nakaririnig na ako ng mga bagay na dapat hindi nadirinig ng isang tao.

Pero alam ko ang ibig-sabihin ng ganoong pangyayari, lalo na sa umaga, at alam ko na rin naman ang ibig-sabihin ng mga sinabi niya. Gusto niya pa akong makita mamaya, bukas, at sa mga susunod na araw. Oo, mag iingat ako lagi.
Hindi pa man nagsisimula ang araw ko ay tila buo na ito agad. Salamat, Ligaya.

Patlang.

Kinalkal ko ang lalagyanan ko ng mga lapis at nakita ko doon ang cellphone niyang iniwan o naiwan niya kahapon sa bahay nila Em noong gumawa kami ng assignment. Alam ko ang password kaya agad kong binuksan at tinitigan ang bawat litratong niyang aking puwedeng titigan.
Napaka ganda niya.

Sa kalagitnaan ng aking titig sa isang parihabang lumiliwanag na bagay ay biglang tumigil ang tugtog ng aking cellphone na naiwan ko pala sa loob ng banyo, hindi naman ako napasok ng galit na kapit-bahay at binasag ang cellphone ko, tumigil lang ito dahil ala sais y medya ng umaga at malapit nang magsimula ang aking bagong araw, gayunpaman, hindi pa ako nakakapag bihis ng uniform ko.

Sampung minuto ang itinagal ng pagpili ko ng aking gagamiting panyo ngayon araw. Kulay kahel ang aking napili, mula sa isang kaibigang nawalan ng panyo.

Nagsimula akong maglakad papasok. Malapit lang naman ang school namin. Mga kinse o benteng minuto lang ay maaabot na 'yon.

Sa malayo, nakikita ko ang liwanag ng pa sikat at pasikat na araw, nakikita ko ang maganda niyang ngiti. Masaya ako dahil makikita kitang muli.

Tumungo ako sa musipyo ng Cavite at umupo sa isa sa mga paikot na pulang batong upuan doon at nagsimulang magsulat sa aking journal. Malapit lang sa amin ang munisipsyo ng Cavite at ang paaralang aking pinapasukan. Ilang oras din akong nakatitig sa libro ni Ambeth Ocampo at ilang oras din akong nakikipag buno sa aking journal.

Ilang oras at tumungo na ako sa eskuwelahan.

Magsisimula na ang klase. Alas onse, wala pa rin akong Ligayang nakikita. Sabi niya alas onse siya pupunta. Gayunpaman, nakinig na lamang kami ng musika ni Ortiz. Habang nag uusap ukol sa buhay na wala namang patutunguhan.

Alas onse at labing tatlong minuto, dumating ang aking ligaya.

Tumayo ako at inayos ang damit kong halos masunog na dahil sa sobrang init nang pag plantsa ko kaninang umaga. Inayos ko rin ang buhok kong parang aking buhay, hindi alam kung saan patungo.

Gusto ko guwapo ako kapag nakita niya ako.

Tatlong minuto akong nakatayo doon sa gilid at iniisip kung bakit lahat ng magandang genes ng magulang ko ay napunta sa mga kapatid ko at sa akin naman ang latak.

Isa pa, iniisip ko rin kung paano ko kakausapin si Ligaya. Magmumukha naman akong nakakatakot kung bigla akong lalapit at magsasalita ng mga bagay na hindi niya alam.

Ano nga ba puwede kong sabihin?

"Maalat ang ulam ko kaninag tanghali" Hindi, mali yata yan.

"Nakita mo yung construction worker sa baba kanina?" Syempre naman nakita n'yan yon. At isa pa, wala namang magaganap na diskuro kung sasabihin ko 'yon. Dapat ang sagot niya hindi "oo" o "hindi"


"Malamig ba ang tubig sa inyo?" Bakit ba wala akong maisip na maayos!

Naalala kong bigla ang cellphone na naiwan niya noong nakaraang araw. May dahilan na ako para makausap siya! Inayos ko ang aking pustura at kinuha ang cellphone niya sa bag ko. Inayos ang buhok at nag praktis ng mga salitang pwede kong ibato mamaya sa kanya. Ulit.

"Joy yung cellphone mo, kakainin ko sana yan kaninag umaga noong nasa munisipyo ako dahil nagugutom ako--" Hindi! Hindi magandang sabihin yan.

Sinubukan ko pang mag isip habang nakatitig sa bukas kong bag.

"Joy, catch!" Hindi! Mas hindi magandang sabihin yan sa babaeng napupusuan mo. Sige, mag isip ka pa!

"Aking Ligaya, ito ang iyong teleponong iyong naiwan nitong nakaraang araw sa tahanan ng ating kaibigang pinanganlanan hango sa Biblya, si John Michael. Ito aking Ligaya, tanggapin mo." Perpekto! Ito na ang aking ibabato sa aking Ligaya!

Tumindig ako na parang gusto kong kainin lahat ng aking madaraanan, maliit man o kasing laki ko dahil hindi ko kaya ang mas malaki sa akin.

Lumapit ako kay Ligaya at ininat ko ang aking pagod na braso patungo sa kanya.

"Joy, naiwan mo kahapon." Malamig ang aking boses at halos nanginginig ang aking kamay na iniabot ko ay Ligaya ang kanyang cellphone. Tila isa akong batong gumagalaw. Tunog trapo ang aking boses at halos magkaskasan ang dalawa kong tuyong lalamunan.

Bakit hindi ko nasabi ang lahat ng gusto kong sabihin!



Uwian.



Halos makipag suntukan ako sa mga tao sa gate bago maglabasan. Medyo masikip talaga sa school namin kapag uwian, lalo na kapag nasa gate ka na. Parang EDSA pero puro tao at hindi mga sasakyan, sayang lang dahil walang masasagasaan sa aking harapan.

Muntik akong mainis noon subalit aking naisip. "Hindi naman siguro maiiwasang may mga taong gustong makauwi agad."

Makauwi nga ba?

Paglabas namin ng gate, dumiretso kami nila Leomar, Charlz, Ligaya, Dee, at Em sa computer shop. Wala kaming malaruan dahil puno lahat ng mga computer shop na dinaraanan namin, puno ng mga batang parang ilang linggo hindi naligo habang sinusunog ng araw. Halos ipukpok na nila ang mga mukha nila sa maliwanag na screen sa gitna ng madilim na kwarto.
Hindi nagtagal, napagtanto naming dumiretso nalang sa mall na iilang tumbling lang mula sa school namin. Kailangan nga pala naming bumili ng mga makakain at kailangan bukas para sa isang science exhibit na dadaluhan namin.

Pag punta namin ng mall, muntik pa akong hindi makapasok dahil mukha akong snatcher at paranoid ang guard. Akala niya yata may improvised explosive device ako sa bag, halos masira yung bag ko sa pag kalkal niya at paghanap ng bomba na nasa bulsa ko lang naman.

Pag pasok namin, maraming kaming ginawa. Halimbawa, nakipag suntukan sa cashier. Bukod pa doon, namili rin kami ng mga pagkaing alam kong hindi healthy dahil sa sobrang alat at sobrang daming asin na uubos ng tubig sa loob ng katawan ko. Bumili rin kami ng mga maiinom na puwedeng pumuna sa kung anong nawala dahil sa asin.

Tapos na kaming mamili, umuwi na yung iba, bukod sa amin ni Em dahil, gaya ng parati, kailangan kong tumambay sa bahay nila para mangulit. Pero bago 'yon, namili muna kami ng kinatay na manok dahil magluluto si Em bukas ng adobo, magaling mag luto si Em. Mas magaling pa sa abilidad kong magtago ng bomba sa bulsa.

Kagaya ng parati, kinuwento ko sa kanya kung gaano ako kasaya na kasama ko si Ligaya sa loob ng ilang oras, na alam niya naman daw dahil kasama rin siya kanina dahil classmate ko siya.

Isa pang patlang!






Kinagabihan.




Naglalakad ako pa uwi habang binubugbog ng buwan ang araw pababa muli sa lupa.

Dilaw at berde ang lahat ng aking nakikita, hindi gaanong mapula ang langit ngayon, malamig pa ang paligid.

Natapos ang buong araw at sobrang saya ko dahil buong araw ako sa kanya ay nakatingin mula sa malayo at kunwaring nakikipag usap sa kanya sa aking haraya. Hanggang kailan kaya niya ako mamahalin? O, marahil ang tamang tanong, mahal niya ba talaga ako?

Hindi ko sigurado dahil hindi pa naman tapos ang paghahanap ko ng ibig-sabihin ng pagmamahal, ako'y kinakain pa rin ng mga katanungang hindi ko kayang sagutin.

Asul na ang langit. Naamoy ko na rin ang halimuyak ng mga puno't patay na halaman. Maingay na rin ang mga palaka sa damuhan.

Ang lahat ng ito ay tila isa oyaying magpapatulog sa akin at gigising kinabukasan.





July 15, 2017. Saturday.



Umaga.



Iminulat ko ang aking mga mata ka sabay ng mga ibong humihuni't nagsisipag away sa taas ng aming bubong. Walang pasok ngayong araw dahil sabado, pero napilitan akong gumising kahit na araw ng pahinga ngayong araw. Tinatamad ako ngayong pumunta sa school. Pero wala na akong magagawa dahil kailangang sumama sa naturang science exhibit. Lalo na't nandoon si Ligaya. Marahil magalit sa akin 'yon, gumawa pa naman kami ng kasunduan kagabi na kailangan naming magsama buong araw sa science exhibit.

Hindi na ako makapaghintay na ikuwento sa kanya ang mga construction worker sa amin. Pero sa tingin ko hindi niya magugustuhan 'yon.

Seven daw dapat nasa school na kaming lahat para hindi maiwan ng bus. Kaya naman sobra akong nag madali para hindi maiwanan ng bus. Sinubukan ko nang mag saing para sa makakain ngayong araw, nagluto ako kagabi ng pork chop. Hindi gaanong maalat dahil sinaktuhan ko lang ang timpla maalat na ang mga binili ko kagabi, kaya sapat na 'yon para sa UTI na gusto kong makuha. Isa pa, hindi naman ganoon karami ang kakainin ko ngayon araw.

Eight na ng umalis ang bus. Filipino time pala ang seven ng umaga na calltime.

Nagsimulang umandar ang bus, hindi gaanong traffic ngayon dahil Sabado. Isa pa, wala naman sa isip ko na masama ang matraffic ngayon dahil kasama ko si Ligaya. Mas gusto ko ngang matraffic kami para mas mapatagal pa ang pagsasama namin ngayong araw.

Magkashare kami ng earphone, nakikinig ng mga kantang alam ko ng hindi magtatagal ay magkakaroon ng malaking ibig-sabihin sa akin.

Mahal kaya ako ni Ligaya? Muling tanong ng aking isipan. Hindi ko rin alam ang sagot, basta ang mahalaga ngayon ay mag kasama kami, bahala na si Batman o kung sinomang superhero na puwede kong sisihin kapag ako ay nasaktan.

Sa kalagitnaan ng aming pag andar ay napapatingin ako kanyang kamay. Hindi ko nagawang hawakan ang kamay niya. Busy ako sa paglalaro ng cellphone niya e. Isa pa, nakakahiya namang hawakan ko ang kamay niya ng walang pahintulot niya. Baka makasuhan ako ng sexual assault o ng possessing of firearms dahil magdadala ako ng bomba sa aking bulsa. Masaya na akong magkasama kami, kahit hindi kami mag kahawak ng kamay.

Masaya ako sa mga nakikita ko sa labas ng bus, nagbibilang ng mga taong dumadaan, ilang puno ang ubos na ang halaman kahit na tag-init pa, at ang magandang mga mata ni Ligaya. Kuntento na ako sa kung anong nakikita ko ngayon. Nalimutan ko na lahat ng mga dalumat na nasa aking isipan nitong nakaraang madaling araw.



Ilang oras na ba kaming umuusad papunta ng aming patutunguhan? Hindi ko rin alam, busy ako sa pag gamit ng cellphone niya.

Inaantok na ako.

Sandali lang, gusto kong gumawa ng bagong bagay, baka lumampas lang ang lahat ng pagkakataon. Itinigil ko ang music at tumingin ako sa mata niya. Nakatingin din siya sa aking mga mata at tinutusok ng kanyang paningin ang aking kaluluwa. Nanginginig ako, gusto kong magsalita. Pero ang nagawa ko lang ay humiga sa maputi niyang braso.

Narinig ko ang marahan niyang tawa. Ang sarap pala sa pakiramadam.

Nakarating kami ng tanghali sa World Trade Center, Metro Manila.

Makulimlim ngayon araw, bahagyang malamig at kulay abo ang kulay ng langit. Walang araw. O marahil mayroon subalit nagtatago sa mga ulap.

Nagsimula kaming gumala sa loob ng World Trade Center.





II.



Umaga.



Magkatabi kami ni Klein.

Simula pa lang ng pag upo natin sa bus ay halo-halo na ang damdamin ko. Natutuwa ako sa mga nangyayari, masaya, at kinakabahan. Nag share kami ng earphone, puro Parokya Ni Edgar yung kanta. Marahil hindi magtatagal ay parati ko na siyang maalala sa mga kantang aming pinakikinggan ngayon.

Sobrang saya ko.  Lalo na't nakasandal dahil sabi mo'y nahihilo ka wala akong pakialam sa kung anong dahilan ang mahalaga ay nakasandal ka sa aking mga braso, kahit na medyo wirdo ang pagtitig mo sa aking mga mata patungo sa aking kaluluwa. Nakatingin sa labas, o marahil ay sa aking mga mata. Kung iniisip mo na mahal mo ako, salamat dahil mahal din kita.

Gusto ko nang hawakan ang kamay mo Klein, pero sobrang nahihiya ako't hindi alam ang gagawin. Bakit ba kasi hindi ka maunang humawak, nahihiya ka ba o busy ka lang sa paglalaro ng cellphone ko? Kukunin ko talaga 'yan sa'yo 'pag hindi ako nakapag timpi!

Nagulat ako ng muli kang gumalaw, tuminging muli sa aking mga mata at kinuha ang aking ulo't idinikit ito sa iyong bisig. Nagpalit tayo, ako na ang nakasandal sa'yo.

Hinawakan mo ang ulo ko, at doon, naramdaman ko ang kaba. Dahil alam kong bawal pa akong magkaroon ng isang taong mag kakasama ko sa aking buhay na higit sa kaibigan ang turingan. Hindi ko mapigilang madikit ang pagmamahal ko sa'yo.

Muli akong napatawa ng marahan.

Subalit hindi ko alam kung nararapat ba ang ating ginagawa. Maraming bagay ang tumatakbo sa aking isipan kahit ako'y masaya. Siguradong magagalit sila Mama kapag nalaman nilang may isang lalaki na nagiging malapit sa aking higit pa sa pagkakaibigan. Kailangan kong kumilos bago mahuli ang lahat.

Kinagabihan.

Pag uwi ko sa bahay. Nagsimula akong magnilay. Iniisip kung ano ang dapat na mga kailangang gawin. Hindi ko gustong mawala si Klein sa akin. Subalit natatakot akong baka isang araw magkaroon ng isang malaking harang sa amin.

Natatakot ako.

Kinuha ko ang cellphone ko at agad na nag chat kay Klein.

Ito na yata ang tamang panahon.









I.



Nakauwi na ako sa bahay, muli kong narinig ang mga huni ng palaka habang inaamoy ang mga patay na halamang humahalimuyak sa hanging puno ng usok mula sa mga kalapit na tinapahan sa aming lugar.

Ano nga ba ang kailangan kong gawin? Tinginan ko ang aking maliit na notebook at tinignan ang lahat ng kailangan kong gawin. Research paper agad ang unang bumungad sa akin. Dios ko, maling magbukas ng notebook na 'to!

Natandaan ko na ang kailangan kong gawin. Binuksan ko ang messenger ko para alamin kung anong na ang nangyari kay Ligaya. Sabik akong mabasa ang kanyang naramdaman ngayong araw, ganoon ang lagi niyang ginagawa sa tuwing kami ay nagkakasama, at ganoon din ang parati kong ginagawa matapos naming magkasama.

Sandali lang, ano ba ang dapat kong sabihin sa kanya? Bukod sa kailangan kong ipaalala sa kanya na maganda siya ay nararapat ko rin sigurong sabihin sa kanya ang pasasalamat ko dahil sa pag sama niya sa akin at pagpapahiram niya ng kanyang cellphone sa akin.

Tumunog ang messenger ko, nakakatuwa, naunahan niya akong magpasalamat. Isang message ang agad kong nabasa.

Hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman.

"Narealized ko lang na hindi talaga kita mahal. Siguro nasabi ko lang yun kay jm kasi nasanay lang ako sa closeness natin dati. Wala talaga. Wala akong nararamdaman kanina. Sorry. Hindi."

Hindi ko alam kung anong nararapat kong gawin ngayon, may nagawa ba akong mali? Hindi naman ako naging masama sa kanya.

Nanghihina ako't pakiramdam ko'y kailangan kong magpahinga ng mahaba-haba. Hindi na ako makapag reply sa kanya dahil pinutol niya na ang kanyang ugnayan sa akin.

Ligaya, anong nangyari sa atin?









July 17, 2017. Monday.



I.



Hapon na pala?

Malapit nang bumagsak ang langit at kumagat ang gabi, lumalabas na ang mga pinaka maliliwanag na tala sa maruming kalangitan. Malamig ngayon kahit nasa kalagitnaan ng Hulyo, hindi naman umulan, hindi rin naman malakas ang amihan, hindi rin naman nagyeyelo ang mga kalapit bansa. Bakit kaya ganito kalamig ngayon?

Marahil, dahil naglalakad ako ngayon sa gilid ng isang malaking daanan, sa harapan ng isang malaking kapilya ng mga Katoliko at isang paaralanang aking pinapasukan, o marahil, malamig dahil sa mga nangyari nitong nakaraan? Hindi ko sigurado. Ang sigurado ko lang ay umuwi ngayon sa aming tahanan para ipahinga ang naliligaw na sarili sa kung anong tunay na ibig-sabihin ng buhay.

Ang daming mga nangyari nitong nakaraan, halos masuka na nga ako sa dami ng mga sinubo ko na galing sa masakit na katotohanan. Halos hindi ko na kayang tumanggap ng kahit ano.

Inilagay ko ang mga nilalamig kong kamay sa aking mainit na bulsa ng aking pantalon at inyuko ang ulo, ayaw ko munang makakita ng kahit ano bukod sa aking mga paang sabik na umuwi. Sa kalagitnaan ng aking pag lalakad, hindi pa ako nakalalampas sa kapilya't paaralan, ay may tumawag sa akin, dalawang pamilyar na boses, parehong mataas ang adyangaw, kasabay ng mga. "Red!"

Bahagyang naubos ang tubig sa dagat ng aha na aking pinagkakalunuran.

"Red!" Sabay nilang ibinuga mula sa kanilang mga bibig. Mas mababang adyangaw sa pagkakataong ito.

"Sama ka na?" Napapagod na sinabi ni Em, habang nakatingin naman at masayang nakangiti si Kyle.

Yumuko at bahagyang nag isip. Birthday ni James nitong nakaraan, at marahil ngayon araw siya mag bibigay sa amin ng makakain. Sana may lumpia.

Nararapat ba?

Nararapat ba akong magpalunod pa sa aha?

Hindi. Hindi dapat ako malunod sa aking problema.

"Sige na, gusto ko rin namang malaman kung anong lasa ng lumpia ni James."