Jackson Lee
Walang kilala si Henry sa kanyang mga kasama, subalit bilang kilalang mga aktibista sa pamantasang pinapasukan niya, naniniwala siyang maganda ang ipaglalaban ng mga ito.
Kung susumaungin, hindi niya pa gaanong kilala ang mga kasama niya ngayon, ni hindi niya pa nga nakakausap ang mga ito ukol sa kanilang mga nakaraan o kahit sa kung anong gusto nila sa hinaharap. Paano kung totoo ang turang ng mga tao na mga satanista ang nasa building na 'yon? Paano kung mga NPA nga sila?
Maraming tanong sa kanyang isipan, subalit hindi sapat ang panahon para sagutin ang lahat ng ito.
Maliwanag ang araw kahit maraming ulap sa langit. Hindi ganoon kainit ngayong araw kahit malapit na ang tag-init. Hindi niya mabilang, subalit alam niyang marami sila sa isang esquinita patungo sa arko ng Morayta para sa gaganaping pagaaklas laban sa pagmamalupit ng gubyerno sa mga taong naghihirap sa bansa.
Tila isang senaryo sa isang pelikula ang namamataan ngayon ni Henry.
Kahit napakarami nila sa marikit na esquinita, nangingibabaw pa rin si Aster mula sa mga taong kasama nito. Ang maskara niyang gawa sa lupa na kasing laki ng isang bola ay bumabalot sa buo niyang mukha bukod sa baba at bibig. Kasing kulay ito ng balat niya kaya nagmumukha siyang isang taong may malaking ulo't walang buhok. Nakaatakot na pagmasdan. Sa katunayan hindi rin alam ni Henry kung bakit may suot na ganitong kabigat na maskara si Aster, marahil isa itong propaganda laban sa gubyerno, o isang paraan upang masmapalawig ang samahan nila. Kung ano man ang sagot doon, hindi niya gustong malaman pa.
Hindi malinaw kay Henry kung anong ipaglalaban subalit alam niyang kailangang sumigaw sa Morayta at magsumamo upang, at para, maitaas ang sahod ng mga manggagawang Pilipino. Ayon ang pagkakaintindi niya sa gaganaping pag aaklas, subalit ang mga sumunod na sinabi ni Aster kanina ay halos hindi niya namaisip.
Mula sa malayo ay naririnig na nila ang mga sigawan sa Morayta at sa bawat hakbang, mas lumalakas ito.
Masakit sa tainga na marinig ang mataas na frequency na binubuo ng mga malalakas na mikropono mula sa malayo.
Dahil sa takot, gustong bumalik ni Henry sa pamantasan, hindi siya ginawa para sa pagaaklas dahil isa siyang mahinang tao't halos walang nagiging ambag para sa lipaunan, wala siyang kayang ipaglaban, wala siyang kayang patunayan. O marahil mayroon, subalit ang sabi ng lipunan, at ng kanyang mga magulang, ay wala.
Takot na lumaban si Henry sa mga taong may kapangyarihan at nakakataas. Subalit, marahil, maaari siyang mabago ng isang tao.
Subalit, paano kung tama nga ang kanyang mga magulang na wala siyang kayang gawin para sa ikauunlad ng sarili o ng bayan? Paano kung tama nga sila na isang araw ay babagsak siya dahil sa kahinaang taglay? Paano kung tama sila na sa pagkakataong siya ay lumihis sa kagustuhan ng kanyang magulang ay wala na siyang patutunguhan?
Naghahanap sa langit ng sagot si Henry sa mga katanungang hindi magkamayaw sa kanyang isipan.
Dahil sa pagkatitig sa langit ay hindi na niya namalayang nakatigil na ang lahat, at hindi niya sadyang nabangga si Aster sa harapan na nakatalikod mula sa kanya.
Ang mapayat na katawan ni Henry ang dahilan ng kanyang pagbagsak sa lapag.
Nawala ang liwanag ng langit dahil sa isang malaking ulap, hindi mamataan ni Henry ang mga taong nakapaligid sa kanya, pawang mga paa lamang nito ang nakikita niya.
Madilim, at walang buhay sa ilalim.
Simula pa man noong bata siya'y kadiliman na ang naging kasangga niya sa mga labang ibinabato ng buhay. Wala siyang ibang kakampi bukod dito. Hindi na maituturing na bago ito pa sa kanya. Bukambibig ng kanyang ina na mahina siyang bata, walang kwenta sabi naman ng kanyang ama. Marahil ang pagiging mahina niya ay nagmula sa kanyang pamilya, mga taong akala niya'y malapit sa kanya.
Ayaw niyang itaas ang kanyang mukha dahil alam niyang mga dismayadong mata ang muling tititig sa kanya habang siya'y humihingi ng tawad.
"Bakit ganito ang grado mo?" Tanong ng kanyang ina sa kanya.
Malamlam ang paligid at malamig ang hanging pumapaligid kay Henry at sa kanyang ina sa sala sa ilalim ng malakas na ilaw. Bakas sa mukha ni Henry ang saya dahil sa unang pagkakataon ay nakakuha siya ng noventa y seis sa pinal na grado sa Filipino.
Gabi na subalit kagagaling pa lamang ni Henry mula sa paaralang pinapasukan niya. Ganito lagi ang uwi niya dahil sa mga extra curricular na sinalihan niya sa paaralan, sabi kasi ng guro niya, may karagdagan itong puntos sa pinal na grado't maganda ito para sa kanyang kinabukasan, lalaki siyang isang tao na hasang-hasa sa buhay.
Isang indibidwal na kayang harapin ang hirap, bakit nga ba siya hihindi? Kung hindi lang sana kasinungalingan ang mga narinig niya masaya sana siya ngayon.
"Bakit ka may line of eight?" Muling tanong ng kanyang ina, subalit sa pagkakataong ito, burado na ang ngiti sa kanyang mga mukha. Nakakalimutan niya na rin ang nirehearse niya sa Filipino Theatre Company sa paraalan nila. "At sa English pa talaga. Alam mo namang hindi maituturing na matalino ang batang bobo sa Ingles."
Mahal niya ang kanyang bansa at wika, at akala niya'y matutuwa ang kanyang ina sa kanyang nakuhang grado sa Filipino.
Masakit pala ang katotohanan.
Ayaw kontrahin ni Henry ang idolohiya ng kanyang ina. Masama bang hindi mag Ingles sa bansang may sarili namang wika? Tanong niya sa kanyang sarili.
"Ikaw si Henry mula sa Filipinolohiya, tama ba kaibigan?"
Isang mainit na kamay ang dumanpi sa pisngi ni Henry at dahandahang pinataas ang kanyang mukha ng taong humahawak sa kanyang pisngi. Malambot ang kamay nito. Malambot ang kamay ni Aster.
Nawala ang malaking ulap sa langit at muling lumabas ang tunay na liwanag ng haring araw. Isang mainit na silahis ng araw ang tumama sa kanyang mga mata. Hindi kita ang mukha ni Aster subalit bakas sa mga mata nito ang init ng apoy na kailangan ng isang bagong tubong aktibista.
"Tumayo ka, hindi nararapat na nasa ilalim ang isang indibidwal na kagaya mo."
Sa kanyang pag tayo, bagong init ang kanyang naramdaman. Wala na ang dilim na bumabalot sa kanya, tinanggal na ng isang bagong taong makakasama niya sa kanyang bagong buhay.
Isang esquinita na lamang at nasa Morayta na sila, malakas na ang dagungdong ng mga naglalakihang speaker ng mga aktibista. Nagsimulang magsalita si Aster sa gitna ng isang maliit na pagpupulong, malakas at puro.
"Ang lipunan ay hindi itinayo sa isang maliwanag na idolohiya, itinayo ito sa kasinungalingan. Lahat ng mga magagandang idolohiya at pangakong maliwanag, hindi ito ginawa para sa mga taong kagaya natin. Tinanggal nila ang ating dignidad, ang ating kalayaan, ang ating liwanag! Mga mamamaya ng lipunan, hindi na dapat tayo ginaganito. Mga kapatid, dumating na ang araw, ito na ang panahon upang lumaban. Alam niyo na kung sino ang susunugin natin."
Inilabas ng mga kasamahan ni Aster ang mga molotov sa kanilang bag at sinimulan itong sindihan. Habang si Aster naman ay inabutan si Henry ng isang panindi habang naglalagay ng mga kulay balat na pintura sa mukha ang kasamahan niya.
"Sindihan mo ang rebelyon."
Iling at hindi ang sagot ni Henry, hindi niya kayang maging isang kriminal.
Bakas sa mukha ni Aster ang dismaya, hindi pa nga yata kaya ng isang bagong usbong na aktibista na harapin ang katotohanang nais niyang sabihin sa lahat. Sinimulang patunugin ni Aster ang kanyang lighter. Tumalikod siya mula kay Henry at sumigaw ng isang salita. "Labanan ang lipunan!"
Sinindihan ni Aster ang kanyang molotov at ngumiti sa langit. Tumakbo patungo sa pinagmumulan ng malakas na tunog ng speaker ang mga tauhan ni Aster. Samatala'y naiwan naman sila ni Henry sa esquinita.
"Ako na ang babato niyan para sa'yo." Bigkas ni Henry kay Aster, tila may isang malakas na apoy sa mata nito.
Ngiti ang sagot ni Aster. Sa isip niya'y tumatakbo ang isang sagot sa kanina pang itinatanong ng kanyang isipan bago pa man pumunta sa Morayta.
Tila handa na na magsunog ng mga aktibista si Henry.
The official literary subgroup of the Molave Theatre Guild, under the Department of Perfroming Arts of the Polytechnic University of the Philippines, Sta. Mesa, Manila
Naka-feature
ASTER
Jackson Lee Walang kilala si Henry sa kanyang mga kasama, subalit bilang kilalang mga aktibista sa pamantasang pinapasukan niya, nanin...
-
Anong Lasa ng Lumpia Ni James? Jackson L July 17, 2017. Monday. I. Hapon na pala? ...
-
Ni Mariz Peñaflor Iguguhit kong muli ang iyong mukha sa langit Gaya noong nagdaang gabi. Nabubura na kasi ito sa patuloy na pag-ihip ng ha...
-
Ni: Mariz Alliah K. Peñaflor Naiwala ko nanaman Ang aking panulat Hindi na matapos-tapos Ang aking istorya. Ganoon na lamang ba talag...
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento