Isinulat ni : Nashvie Magracia
Pinagmasdan kong tumayo ang maliit na aso sa gitna ng
kalsada.
Bagaman basa ang inuupuan, ginalaw niya pa rin ang buntot
nang paulit-ulit. Paulit-ulit.
Bagaman bumuhos ang masaganang ulan, minasdan ko ang likod
niyang puno ng putik.
At naisip ko kung gaano ito kalungkot tignan.
Hindi ba siya nalalamigan? Hindi ba siya nahihirapan?
Hindi ba siya hinahanap sa kanyang tahanan? Hindi ba siya
hinahanap ng kanyang magulang?
Bagaman nag-iisa, itinaas niya at ginalaw ang buntot nang
paulit-ulit. Paulit-ulit.
Bagaman bumuhos ang masaganang ulan, minasdan ko ang likod
niyang puno ng putik.
At naisip kong wala siyang kapaguran.
Hindi pa ba siya natakot? Hindi pa ba niya gustong sumuko?
Hindi pa ba siya nasindak ng mga kapwa-aso? Hindi pa ba siya
nangamba sa mga tao?
Bagaman malungkot, pinilit niyang lakasan ang pagtahol nang
paulit-ulit. Paulit-ulit.
Bagaman bumuhos ang masaganang ulan, minasdan ko ang likod
niyang puno ng putik.
At naisip kong walang nakaririnig.
Hindi pa ba siya paos? Hindi pa ba siya pagod?
Hindi niya ba naisip na walang makaiintindi? Hindi niya ba
naisip na walang may paki?
Pinagmasdan kong tumayo ang maliit na aso sa gitna ng
kalsada.
Lumapit ako at tinignan ang kaawa-awa nitong mukha.
Kuminang at sinalamin ng kanyang mata ang akin.
Humalakhak ako nang paulit-ulit. Saka tinadyakan ito nang
paulit-ulit. Paulit-ulit.
Hinayaang nakabulagta sa sariling dugo at putik.
Hindi ako nakonsensya bagkus, nagbigkas pa ng munting
hiling,
"Sana ito rin ang mangyari sa akin."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento