Isinulat ni HannaDulSet
Tuwing gabi bago ako matulog ay ugali kong
sumilip sa bintana, tignan ang mga bituin at langhapin ang simoy ng hangin sa
gabi. Mataman kong tinitignan ang mga bituin sa langit at ang maliwanag na
buwan na siyang tanging nagbibigay liwanag sa madilim na paligid. Bumuntong
hininga ako at natanong ang sarili: “Paano kung hindi nagkaroon ng pandemya?”.
Una kong naisip ang mga bagay na nagawa ko pa
sana kasama ang mga kaibigan ko, mga palabas na nagawa at mga bagay na
nagpapanatili sa akin na maging buhay. Dumampi sa aking pisngi ang malamig na
hangin. Napapikit ako at naalala ang mga araw na umuuwi ako ng dis-oras ng gabi
dahil sa mga training at mga rehearsals; Mga tawanan sa bakery habang kumakain
ng masarap na tinapay. Kwentuhan sa jeep kahit hindi na kami magkaintindihan
dahil sa sobrang lakas ng tugtog.
Lagi
kong naiisip ang mga bagay na ito sa pagsilip ko sa bintana na kung
minsan ay may dala pa akong tinapay at kape. Naiisip ko din ang marami kong
“sana” na ibig kong magawa, mga bagay na natakot at nag-alinlangan akong gawin
bago ang pandemyang ito. Pero ngayon ko lang naisip, bakit ba kailangan kong matakot
sa mga bagay na maaari akong gawing matapang at matatag? Kung sabagay,
kasalanan ko din naman kasi nakuntento ako sa kung ano lang ang kaya ko. Okay
na ‘to, okay na ako dito. Hindi ko hinayaan ang sarili ko na umangat, huminto
ako sa gitna at hindi na ginustong umangat. Pero ngayon ay bumabawi ako, para
kapag oras na ay handa na ako muli.
“Okay ka lang ba” natanong ko sa aking sarili
nang minsang mapansin ko na natulala ako sa harap ng bintana, payapa ang asul
na langit naghahanda para sa papalubog na araw. Iba pala talaga ang pakiramdam
kapag ikaw lang ang nakakaintindi sa sarili mo ‘no? Para kang nababaliw sa
paningin nila. At sa araw-araw na pagdungaw ko sa bintana ay may mga araw na
dinadalaw ako ng lungkot, mga araw na parang sobrang bagal ng oras na hindi
naman maiiwasan dahil lahat tayo ay nakakulong sa bahay at walang magawa at
dahil dito ay maiisip mo na lang ang mga bagay na matagal mo nang gustong ibaon
sa limot. Mga bagay na ayaw mo na lamang isipin upang hindi malaman na marami
ka pa lang pagkukulang bilang anak, kaibigan, estudyante, ka-miyembro at huli,
sa sarili mo. Ngunit paano ko ba pupunan ang mga pagkukulang na iyon? Kulang ba
o talagang para sa kanila ay hindi ako sapat. Ewan, hindi ko masabi.
Natatakot din ako na baka kapag tumagal pa ito
ay madaig na ako ng lungkot. Tanging ang bintanang ito lang ang nakakaalam ng
mga bagay na hindi ko maikwento sa mga tao sa bahay na ito. Pero salamat at
binabasa mo ito. Bintana malapit sa maliit kong espasyo at tulugan, Parang
tengang handang magbukas at makinig. Nakakatawang isipin ‘no? Bintana
kinakausap ko. Baliw na ata ako.
Gusto ko na ulit lumabas, makita at makasama
ang mga kaibigan, gawin ang mga bagay na nakasanayan. Yun bang parang hindi ko
na kailangang matakot sa banta ng sakit, tulad ng mga ibong nakikita ko sa
labas ng bintana na malayang lumilipad. Maging malaya? Kailan ba? Mayroon din
namang magandang naidulot sa akin ang ganitong sitwasyon ko: Nakakapag-isip ako
at nakapagpahinga sa nakakapagod na mundo. Hindi sapat ang mga salitang
nakasulat dito, ang mga kwento sa bintana sa kung gaano ako nananabik sa
paglabas kong muli. Pero maghihintay ako, maghihintay ng may pananabik.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento