Ni Maki
Umuusbong pa lang ang araw ay mulat na ang aking mga mata.Bumangon na ako sa pagkakahiga at nagbanat ng buto, hinahanda ang katawan sa isang buong araw na gawain. Niyakap ng mainit na kape ang aking sikmura habang humahalik ang malamig na hangin sa aking mukha. Nagdudulot din ito ng pag-indayog ng aking buhok. Pinagmasdan ko ang malawak at luntiang lupain ng hasyenda.
Mataba ang lupa dito. Kakaiba kasi ang pampataba na nakabaon sa lupa. Natanaw kong tumubo na ang ilang mga gulay na itinanim namin ng mga kasama. Ito ang kinakain namin sa araw-araw. Hindi naman namin nararamdaman ang hirap, sapagkat may mga gulay at prutas naman kami na makakain. Nagtutulong-tulong naman ang mga kasama sa pagtatanim at lahat kami ay nakikinabang dito. Masaya ang pagsasaka, biruin mo, lahat kayo ay sama-samang magtatanim, sama-samang mag-aani at kalaunan ay kayo rin ang makikinabang sa mga itinanim. Sa ganitong kalagayan ay hindi namin ramdam ang hirap. Lupa ang buhay namin. Napangiti ako sa isiping iyon. Lupa ay buhay.
Hinanda ko na ang sarili ko. Hinugasan ko ang pinag-inuman ko ng kape at umalis na sa bahay. Naglakad ako papunta sa lupain. Sinimulan ko na ang pagbubungkal ng lupa. Hindi ako tumitigil sa pagbungkal hanggang sa palagay ko ay ayos na ito. Napalingon ako nang may maaninag akong tao sa likod ko. Si aling Lisa, dala ang kaniyang mga gamit. Tumingin siya sa akin at nakita ko ang lungkot sa kaniyang mga mata. "Pang-ilan na iyan?" Tanong niya. "Una pa lang" sagot ko. "Marami pa roon" sabay ngiti nang malungkot at tinuro ang kabilang bahagi ng hasyenda. Tumango na lang ako bilang sagot kasabay nang pagpatak ng tubig mula sa mga mata na magsisilbing pandilig sa itatanim. Nanghihina 'man ang tuhod ngunit sinikap kong buhatin ng buong lakas ang bangkay ng isa naming kasama at itinanim ito sa lupang binungkal ko. Walang ukit ng pangalan ang lapida sapagkat halos hindi namin makilala ang labi. Lumingon ako kay aling Lisa, nagsisimula na rin siyang magbungkal. Mistulang palamuting nagkalat ang mga bangkay ng magsasakang pinaslang sa hasyenda.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento